Walang bisa ang kontrata na pirmado ng may kapansanan sa pag-iisip
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 3, 2021
Dear Chief Acosta,
Mayroong kapansanan sa pag-iisip ang pinsan ko na naging tagapagmana ng kanyang yumaong mga magulang ng isang lupain sa kanilang probinsiya. Kahit walang pahintulot mula sa kanyang guardian, pumirma siya ng kasunduan na ibinenta na niya ang nasabing lupa sa kanilang kapitbahay roon. Ito ang ginamit ng kanyang kapitbahay upang maiparehistro sa kanyang pangalan ang lupa. Maaari ba ito? – Niño
Dear Niño,
Para sa inyong kaalaman, ayon sa Article 1327 ng ating Civil Code:
“Art. 1327. The following cannot give consent to a contract:
(1) Unemancipated minors;
(2) Insane or demented persons, and deaf-mutes who do not know how to write”
(Biningyang-diin)
Kaugnay nito at ayon naman sa Artikulo 1318 ng parehong batas, ang isang kontrata ay mayroong mga sumusunod na rekisito o requirements:
“Art. 1318. There is no contract unless the following requisites concur:
(1) Consent of the contracting parties;
(2) Object certain which is the subject matter of the contract;
(3) Cause of the obligation which is established.”
(Binigyang-diin.)
Samakatwid, dahil hindi maaaring nagbigay ng pahintulot ang inyong pinsan sa kontrata ng pagbebenta ng lupa, walang naging tunay na kasunduan sa pagitan niya at ng kanyang kapitbahay sa probinsiya.
Magkakaroon lamang ng bisa ang nasabing pagbebenta kung ang legal guardian ng inyong pinsan ay nagbigay-pahintulot sa transaksiyong ito (Rules 92-107 ng Rules on Special Proceedings ng Rules of Court).
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments