top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

‘Wag sayangin ang pagkakataon, magpabakuna agad!

BULGAR
Jul 30, 2021
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 30, 2021


Patuloy ang ating laban kontra sa COVID-19. Bawat araw, parami nang parami ang mga nababakunahan. Nitong nakaraang linggo lang, umabot na tayo sa higit 650,000 jabs per day — lagpas na sa target na 500,000 Pilipinong mabakunahan bawat araw.


Mahigit 18 milyong doses na rin ang bakunang ating naiturok. Mayroong 11.3 milyong Pilipino na ang naturukan ng at least one dose samantalang 6.8 milyong Pilipino naman ang fully vaccinated na. Mahigit 31.3 milyong doses na ang suma-total na natanggap ng bansa at higit 132 milyong doses ang inaaasahan nating darating sa susunod na mga buwan. Tuluy-tuloy ito hanggang makamit natin ang population protection patungo sa herd immunity sa mga komunidad.


Sa kabila nito, nakikiusap tayo na mag-ingat, lalo na’t may lokal na transmisyon na ang Delta variant sa bansa. Ayon sa mga eksperto, epektibo ang bakuna at ang pagsunod sa health protocols laban sa sakit. Magtulungan tayo upang maiwasan ang pagbagsak ng health system na makaaapekto sa ating kaligtasan at kabuhayan.


Hinihikayat natin ang mga kuwalipikado na magpabakuna. Huwag sayangin ang oras. Bakuna ang susi upang makabalik tayong muli sa normal na pamumuhay. Ang ating disiplina at kooperasyon ay makapagsasalba ng buhay ng ating kapwa. Bayanihan at pagmamalasakit ang kailangan upang maiahon ang bansa mula sa anumang pagsubok na hinaharap natin.


Habang nilalabanan natin ang COVID-19, patuloy tayo at ang ating tanggapan na umiikot sa bansa para tulungan ang mga kababayan nating nangangailangan.


Noong linggo, nagbigay tayo ng ayuda sa mga biktima ng sunog, tulad ng 135 na pamilya sa San Andres Bukid sa Manila; isang pamilya sa Punturin sa Valenzuela City; isang pamilya rin sa West Rembo sa Makati City; 27 na pamilya sa Pasay City; at 99 na mga biktima sa Iligan City sa Lanao del Norte.


Nag-abot din tayo ng tulong sa mga biktima ng nakaraang bagyo, tulad ng 1,061 na benepisaryo sa Arteche, Eastern Samar at 800 indibidwal sa Allen sa Northern Samar.


Tinulungan din namin ang mga sektor ng lipunan na pinakaapektado ng pandemya, tulad ng 3, 597 na mga transport workers, magsasaka at mangingisda mula sa mga bayan ng Baroy, Tubod, Lala, at Salvador sa Lanao del Norte; 1, 208 PWUD o persons who used drugs sa Kapatagan, Lanao del Norte; 31 indigents sa Malaybalay City at 498 market vendors sa Malitbog, Bukidnon; 1,300 indigents sa Bulakan, Bulacan; 1,020 indigents sa Caloocan City; 4,123 TODA members sa Malasiqui, Pangasinan; 3,163 essential workers sa Pozorrubio, Pangasinan; 700 economic frontliners sa San Roque, Northern Samar; 324 indigents sa Rosario at Bobon, Northern Samar; 228 magsasaka, mangingisda, at vendors sa Mahinog, Camiguin; 256 vendors sa Clarin, Misamis Occidental; at higit 1,640 micro-entrepreneurs mula sa mga bayan ng Alfonso Castañeda, Aritao, Santa Fe, Kayapa, Kasibu, Bagabag, Bambag, Dupax del Norte, Solano at Ambaguio sa probinsiya ng Nueva Vizcaya.


Magpapamigay din ang ating opisina ng mga sapatos para sa 2, 168 barangay tanod mula sa 6th District sa siyudad ng Maynila bilang tugon sa request ng kanilang representante sa Kongreso na si Deputy Speaker Benny Abante.


Gayundin, isinusulong nating maipasa ang mga panukalang ibinahagi ng Pangulo sa kanyang huling SONA. Kasama na ang mga priority bills na ating inihain, tulad ng Senate Bill No. 2158 o ang pagtatatag ng Center for Disease Control and Prevention; SBN 2155 na magtatayo ng Virology Science and Technology Institute; SBN 1832 o ang Bureau of Fire Protection Modernization Bill; SBN 1228 o ang Mandatory Evacuation Center Bill; SBN 205 na magtatayo ng Department of Disaster Resilience; SBN 2234 na magtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos; SBN 393, na magbibigay ng free legal assistance sa PNP at AFP personnel, at ang SBN 1738, o ang proposed E-Governance Act.


Isa rin sa nabanggit sa SONA ay ang SBN 1419 o ang Unified System for Separation, Retirement and Pension of Military and Uniformed Personnel (MUP). Nais nating klaruhin na bagama’t suportado natin ang pension reform para masiguro ang fiscal sustainability nito, hindi tayo papayag na mabawasan ang kasalukuyang pensiyon ng mga nagretiro na o ‘yung inaasahang pension ng mga naka-active duty pa. Kaya klaro ang sabi ng Pangulo na dapat applicable ito sa new entrants lamang. Long-term ang solusyon na gusto natin sa paraang hindi madedehado ang kasundaluhan.


Magtulungan tayo para masigurong walang maiiwan sa muling pagbangon bilang mas matatag na bansa!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page