‘Wag patalo sa kadiliman, kumapit sa Diyos

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 27, 2023
Muli, pansamantala tayong lilihis ng paksa para sagutin ang tanong ng ating mga mambabasa na may kinalaman pa rin sa nalalapit na Undas.
Noong Miyerkules ay tinalakay natin ang tungkol sa mga multo sa konteksto ng siyensya at pananampalataya, ngayon naman ay pag-usapan natin ang mga mabubuti at masasamang espirituwal na puwersa na gumagala sa ating daigdig.
Mayroon akong tiyahin na kapag lumuluwas ng Maynila mula sa aming probinsiya sa Batangas noong araw ay sa aming tahanan tumutuloy. Sa tuwing nasa amin siya, kinukuwentuhan niya ako ng tungkol sa mga espirituwal na bagay at nakakaramdam ako ng kakaibang kapayapaan.
Kalaunan, nabatid ko na siya ay ipinapatawag ng mga namumuno sa isang kilalang simbahan na malapit sa aming tahanan kapag may nanghihingi ng saklolo mula sa mga kamag-anak ng mga tila nasasapian. Ang aking tiyahin ang kanilang takbuhan at walang takot o pag-aalinlangan niyang agad-agad na pinupuntahan ang lugar ng nagpapasaklolo at lagi naman niyang nareresolba ang problema.
Noong minsan, sumama ako sa kanya sa isang maliit na tahanan, kung saan may tila sinasapian ngunit sinabi niya sa akin na dumistansya ako para sa aking kapakanan.
Mula sa aking kinaroroonan sa may hindi kalayuan, natanaw ko kung paanong ang isang payat at maliit na babae ay nagmistulang malakas pa sa mga lalaking sumubok na magtulungan para siya ay payapain. Umuungol at nanlilisik ang mga mata ng nasabing babae na tila wala sa kanyang sarili. Paglapit ng aking tiya sa kanya at siya ay malumanay na kinausap, tumahimik bigla ang babae at tumigil sa kanyang hindi normal na ikinikilos. Ipinagdasal siya ng aking tiya at matapos ang ilang saglit, naging normal na ang anyo ng babae at naging maayos ang lagay niya.
Sa isa pang pagkakataon, nasaksihan ko rin kung paanong may isang lalaking sumubok payapain ang isang wala sa sariling babae na tila may taglay ring kakaibang lakas base sa kanyang ginawang pagtataboy at pagtulak sa mga nagtangkang lumapit sa kanya.
Ngunit sa halip na kumalma ang babae, nagsalita siya at sinabi sa lalaki, “Papalayasin mo ako sa taong ito, eh babaero at sugalero ka naman! Andami mong ginagawang kalokohan, mapagpanggap ka.” Matapos iyon, lumapit ang aking tiya sa babae at makalipas ang 30 minuto ay naresolba na ang sitwasyon.
Tinanong ko ang aking tiyahin noong kami na lamang ang magkasama. Sambit ko,
“Paano mo napapaalis ang masamang espiritu sa katawan ng tao?” Paliwanag niya, “Alam ng diyablo ‘pag malalim at totoo ang iyong pananampalataya. Kapag may takot ka d’yan sa iyong puso, nararamdaman din niya. Kapag malakas ang iyong pananalig sa Diyos, lumalapit ka pa lang ay tatahimik na at manginginig siyang susunod sa sasabihin mo sa pangalan ni Jesus na kinatatakutan niya.”
Kaya huwag nating bigyan ng puwang ang anumang takot at pag-aalinlangan sa ating isipan at kalooban sapagkat ito ang pintuan kung saan makakapasok ang puwersa ng kasamaan. Manatili tayo laging nagdarasal lalo na sa gitna ng mga hamon at pagsubok ng buhay.
Kung may kamag-anak na nakaranas ng pagkawala sa sarili, bigyan din natin sila ng atensyon at pagkalinga dahil kadalasan ay may napakabigat silang dinadala sa kanilang kalooban. May ilan din ang nakakaranas ng pang-aabuso kaya’t nagkakaroon sila ng emosyonal na panghihina na nagiging pintuan para makapasok ang lakas ng kadiliman.
Sa kabilang banda, nar’yan din ang mga mabubuting puwersa o mga anghel na umaaligid sa atin na ang misyon ay sundin ang utos ng langit at maghatid ng mensahe.
Kaya nilang magsa-anyong tao kapag kinakailangan, at kapag matinding nananalangin ang isang nilalang, tumutulong ang mga anghel para masagot ang kanyang dasal. Kaya lagi tayong magtiwala at kumapit sa Diyos.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.





Personal na karanasan ko sa aking mga apo na kung nagkakasakit, walang ganang kumain, mainit ang ulo o malungkot at hindi gumaling sa gamot na bigay ng doktor, may tinatawag kaming albularyo na may ginagawang ritwal at pagkatapos ay balik sa sigla ang apo namin. Ayon sa kaniya, nakatuwaan ng lamang lupa o sinapian ng ibang espiritu. Maraming istorya sa Biblia ng pagpapaalis ng Panginoong Hesukristo sa mga masasamang espiritMu na sumapi sa isang tao: (1) demonyo sa sinagoga, Mk. 1:23-27; (2) demonyosa Gadarene, Mk 5:1-20 at Mt. 8:28-34; (3) bulag at piping demonyo, Mt. 9:32-34 at 12:22-24; (4) ang anak na babae ng babaeng taga Canaan, Mk 7:24-30, Mt. 15:21-28; (5) ang batang demonyo Mk 9:14-20, Mt. 17:14-21; (6) pagpapa…