top of page
Search
  • BULGAR

‘Wag pakampante sa bakuna, mag-ingat pa rin!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | March 11, 2021



Nakapagtataka na kung kailan dumating ang pinakahihintay na bakuna mula sa Tsina at COVAX at pinasimulan na ang programa ng pagbabakuna ng gobyerno ay sumisipa naman ang dami ng kaso sa bansa.


Mga frontliners at mataas na opisyal ng gobyerno ang mga unang makatatanggap ng mga bakuna. Minabuti ng gobyerno na magtawag ng press release at photo-op kung saan mataas na opisyal ng PGH at ilang opisyal ng gobyerno ang tumanggap ng bakuna mula Sinovac, maliban sa Pangulo. Ito ay para maitaguyod ang muling pagtitiwala sa bakuna.


At mukhang gumana ito sapagkat maraming doktor ang nagpasyang tumanggap ng Sinovac at ang katwiran ay mabuti na ito kaysa wala na ang tinutukoy ay ‘yung mababang efficacy rate ng bakuna.


Ang bakuna ng AstraZeneca naman ay may mas mataas na efficacy rate na higit 70% ngunit ang mga ulat kung saan hindi raw epektibo laban sa South African strain ay nagiging sanhi ng pag-aalala ng ilan. Dumating na rin ang ilang bakuna ng AstraZeneca mula sa COVAX ng World Health Organization o WHO.


Sa loob ng apat na magkakasunod na araw, humigit sa 3, 000 ang naitalang positibo sa COVID-19, pinakamataas mula nang lumuwag ang mga hakbang ng quarantine noong Hunyo.


Ang pagraranggo ng bansa sa mundo para sa dami ng kaso ng COVID-19 ay bumalik sa ika-30 posisyon mula sa ika-31 sa loob ng ilang araw. Nagbabala rin ang OCTA sa posibilidad ng pagdagsa ng bilang ng mga kaso dahil sa pagiging kampante ng mga tao.


Kailangan pa ring sundin ang mga protocol tulad ng pagsuot ng face mask, pag-disinfect ng mga kamay at physical distancing. Sa totoo nga tila wala nang quarantine sa dami ng tao sa labas.


Isang ehekutibo ng St. Lukes Medical Center ay nag-ulat ng pagdoble ng bilang ng mga kaso ng COVID-19. May ilang ospital ang nagpahayag na dumarami ang kanilang kaso. Marahil ay dahil nagsimulang lumabas nang mas madalas o ang paglalakbay dahil nabawasan din ang mga paghihigpit. Maaaring ang pagdating ng bakuna ay nauwi sa pagiging kampante dahil iniisip na mababakunahan na rin sila. Wala pa ring katiyakan kung kailan mababakunahan ang publiko.

Sa ngayon ang prayoridad ay ang frontliners kasama na ang mga pulis at sundalo, siyempre.


Habang nagpapasalamat tayo sa pagdating ng bakuna, kailangang malaman ng bawat isa na baka matagal pa ang pagbabakuna ng publiko. Hangga’t wala pang bakuna ang mga frontliners, wala pang schedule para sa publiko.

Nasa paligid pa rin natin ang COVID-19. Nakababahala na mas mabilis lumabas ang mga bagong variants ng virus kumpara sa paglikha ng bakuna. Matagal-tagal pa ang laban, ‘wag maging kampante.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page