ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 26, 2022
Sa wakas, pagkalipas nang limang taon ay nahatulan na ang pulis na nanghuli, nag-torture at pumatay kay Carl Angelo Arnaiz noong 2017. Panahon nang madugong kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kontra ilegal na droga naganap ang krimen. Si PO1 Jeffrey Perez ay nahatulang may sala para sa krimen ng torture, pagtanim ng ebidensya at pagpatay kay Arnaiz, habang nahatulan din siya ng krimen ng torture at pagpatay kay Reynaldo “Kulot” de Guzman. Pagkalipas ng isang buwan ay natagpuan ang katawan ni De Guzman na may 25 saksak sa katawan sa Gapan, Nueva Ecija.
Habambuhay na pagkakakulong ang parusa nito. Inutusan din siya ng korte na bayaran ng tig-P1-M ang pamilya nina Arnaiz at De Guzman. Samantala, ang kasamang pulis naman ni Perez na si PO1 Ricky Arquilita ay mahahatulan din sana pero namatay siya bago pa nailabas ang desisyon.
Ayon sa Public Attorneys’ Office na siyang naging abogado ng pamilya nila Arnaiz at De Guzman, nahirapan sila sa kaso dahil tila ayaw ng PNP makipagtulungan. Patunay na may fraternity ang Philippine National Police (PNP).
Naganap ito noong kasagsagan ng Oplan-Tokhang, kung saan halos lahat ng napatay ng PNP kaugnay sa ilegal na droga ay “nanlaban”. Bukod sa kaso nina Perez at Arquilita, may kaso rin laban sa tatlong pulis-Caloocan na suspek sa pagpatay kay Kian delos Santos. Sila ang nahatulang may sala para sa pagpatay kay Delos Santos pero nakalusot sa pagtanim ng ebidensya. Gayunman, 40-years na pagkakakulong ang parusa sa mga ito. Pero sa tingin ko’y mas deserve nila ang parusang pagkakakulong ng panghambuhay.
Pero naniniwala ba kayo na ang dalawang kaso ng paghuli, pagtanim ng ebidensya at pagpatay lamang ang naganap sa Oplan-Tokhang noong panahon ni Duterte? Libu-libo ang napatay noon. May testigo at CCTV ang dalawang kaso kaya sila nahuli, pero siguradong marami pang kaso ang katulad nito na sadyang wala lang CCTV footage o testigo na ayaw lumabas dahil sa takot.
At ano kaya ang dahilan kung bakit kinailangang patayin silang tatlo? Hindi naman sila banta sa lipunan, lalo na sa mga pulis. Napatunayang gawa-gawa lamang ang salaysay ng mga pulis.
Nais lang ba nilang malagay sa balita na nakapatay sila ng mga sangkot sa ilegal na droga, tulad ng ibang pulis na nakapatay din ng mga “nanlaban”? Nais ba nilang magpalakas o magpakitang-gilas kay Duterte? May tagong pabuya ba para sa bawat napapatay?
Nasiwalat nga sa dalawang kaso ang walang dahilang paghuli, pag-torture, pagtanim ng ebidensya at pagpatay sa inosenteng mamamayan. Magpasalamat tayo at nahatulan ang masasamang pulis—pero sila lang ba ang sangkot sa ganitong gawain?