top of page
Search

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 26, 2022


Sa wakas, pagkalipas nang limang taon ay nahatulan na ang pulis na nanghuli, nag-torture at pumatay kay Carl Angelo Arnaiz noong 2017. Panahon nang madugong kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kontra ilegal na droga naganap ang krimen. Si PO1 Jeffrey Perez ay nahatulang may sala para sa krimen ng torture, pagtanim ng ebidensya at pagpatay kay Arnaiz, habang nahatulan din siya ng krimen ng torture at pagpatay kay Reynaldo “Kulot” de Guzman. Pagkalipas ng isang buwan ay natagpuan ang katawan ni De Guzman na may 25 saksak sa katawan sa Gapan, Nueva Ecija.


Habambuhay na pagkakakulong ang parusa nito. Inutusan din siya ng korte na bayaran ng tig-P1-M ang pamilya nina Arnaiz at De Guzman. Samantala, ang kasamang pulis naman ni Perez na si PO1 Ricky Arquilita ay mahahatulan din sana pero namatay siya bago pa nailabas ang desisyon.

Ayon sa Public Attorneys’ Office na siyang naging abogado ng pamilya nila Arnaiz at De Guzman, nahirapan sila sa kaso dahil tila ayaw ng PNP makipagtulungan. Patunay na may fraternity ang Philippine National Police (PNP).


Naganap ito noong kasagsagan ng Oplan-Tokhang, kung saan halos lahat ng napatay ng PNP kaugnay sa ilegal na droga ay “nanlaban”. Bukod sa kaso nina Perez at Arquilita, may kaso rin laban sa tatlong pulis-Caloocan na suspek sa pagpatay kay Kian delos Santos. Sila ang nahatulang may sala para sa pagpatay kay Delos Santos pero nakalusot sa pagtanim ng ebidensya. Gayunman, 40-years na pagkakakulong ang parusa sa mga ito. Pero sa tingin ko’y mas deserve nila ang parusang pagkakakulong ng panghambuhay.


Pero naniniwala ba kayo na ang dalawang kaso ng paghuli, pagtanim ng ebidensya at pagpatay lamang ang naganap sa Oplan-Tokhang noong panahon ni Duterte? Libu-libo ang napatay noon. May testigo at CCTV ang dalawang kaso kaya sila nahuli, pero siguradong marami pang kaso ang katulad nito na sadyang wala lang CCTV footage o testigo na ayaw lumabas dahil sa takot.


At ano kaya ang dahilan kung bakit kinailangang patayin silang tatlo? Hindi naman sila banta sa lipunan, lalo na sa mga pulis. Napatunayang gawa-gawa lamang ang salaysay ng mga pulis.


Nais lang ba nilang malagay sa balita na nakapatay sila ng mga sangkot sa ilegal na droga, tulad ng ibang pulis na nakapatay din ng mga “nanlaban”? Nais ba nilang magpalakas o magpakitang-gilas kay Duterte? May tagong pabuya ba para sa bawat napapatay?


Nasiwalat nga sa dalawang kaso ang walang dahilang paghuli, pag-torture, pagtanim ng ebidensya at pagpatay sa inosenteng mamamayan. Magpasalamat tayo at nahatulan ang masasamang pulis—pero sila lang ba ang sangkot sa ganitong gawain?

 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | November 7, 2022


Kapag pumasok na ang Setyembre, simula na ito ng mga tinatawag nating “Ber Months”. Ganito kaaga maririnig na ang kantang pamasko ni Jose Mari Chan sa malls at iba pang lugar. Ilang establisimyento ay naglalagay na ng mga dekorasyong pamasko. Buhay muli ang bentahan ng parol sa may Granada St. sa Quezon City. Sa madaling salita, naghahanda na ang bansa para sa parating na masayang panahon.


Pero kapag pumasok na ang Ber months, kadalasan ay tumatahak sa bansa ang malalakas na bagyo. Magtatapos na ang Setyembre nang biglang lumakas nang husto ang Bagyong Karding. Labindalawa ang kumpirmadong namatay at nagdulot ng pinsala at danyos sa malawak na bahagi ng Pilipinas. Sinundan naman ito ng Bagyong Paeng na mas masama pa ang pagtahak sa bansa.


155 ang kumpirmadong patay. Lumobo rin sa P4.17 bilyong ang danyos sa imprastruktura habang nasa P2.70 bilyong piso ang tama sa sektor ng agrikultura. Karamihan ng mga namatay ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Pagguho ng lupa at pagbabaha ang sanhi ng pagkamatay ng karamihan. Napakataas ng bilang ng mga namatay dahil sa bagyo. Ang paliwanag ay hindi inaasahang magkakaroon ng pagbabaha at pagguho ng lupa sa lugar ng BARMM. Pero dahil malawak ang sinaklaw ng Bagyong Paeng, nakaranas ng matinding pag-ulan sa rehiyon kahit hindi naman dinaanan ng mga “mata” ng bagyo.


Kailangan din daw pag-aralan ang lahat ng barangay o lugar kung namemeligro tuwing may bagyo. Kung sa tingin ay maaaring magkaroon ng pagguho ng lupa, hindi na dapat pinapayagang tirahan ng tao. Sinisisi rin ang hindi makontrol na pagputol ng mga puno. Matagal ko na naririnig 'yan, pero wala namang nagagawa ang gobyerno para pigilan. Patuloy ang pagputol ng puno, maging legal o ilegal na malaking dahilan ng pagbabaha. Tila hindi na o ayaw lang talagang makinig ng tao hinggil dito.


May dalawang buwan pa ang taon. Hindi tayo nakasisiguro kung tapos na ang paglikha ng malakas na bagyo. Sana ay wala na. Isinailalim na ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa state of calamity ang Calabarzon, Bicol, Western Visayas and BARMM para makatulong sa mga apektado. Sana ay humupa na ang mga baha. Sana ay makapagsimula nang ibalik sa normal ang buhay ng mga apektado para maging masaya naman ang kapaskuhan o ang pagtatapos ng taon.


 
 

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 5, 2022


Hindi kapanipaniwala. Ito ang bukambibig ng lahat nang malamang 433 ang tumama ng jackpot sa Grand Lotto 6/55 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong Sabado.


Hindi natin maisip ang naramdamang saya nang makita ang lumabas na kombinasyon. Milyunaryo na, tapos malalamang may kahati palang mahigit 400 katao? Natural na ang unang iisipin ng tao ay kung paano mangyayari ang ganyan—433 ang tumama, talaga ba? Pero agad namang dumipensa ang PCSO at ang paliwanag ay sadyang maraming nag-aalaga ng kombinasyon. Nataon lang na marami ang nakahula ng winning combination. Kumbinsido ba kayo?


Ayon naman sa mga mathematician, ang pagkakataong manalo sa Lotto 6/55 ay isa sa 28,989,675 dahil ganyan karami ang kombinasyong maaaring lumabas sa nasabing lotto. Kung gagawin nating porsyento, may 0.0000034% kang manalo. Sabi nga, mas mataas pa ang pagkakataong tamaan ka ng kidlat kaysa manalo sa lotto. Pero may nanalo nga, walang argumento. Ngayon, para manalo ang 433? 433 ang sabay-sabay na tinamaan ng kidlat? Tataas talaga kilay mo. Mukhang hindi na 'yan masasagot ng mga mathematician. Mukhang “only in the Philippines” na lang 'yan.


Sa totoo lang, madalas may nananalo ng lotto sa bansa. Nakita natin kung gaano kahirap tumama ng lotto batay sa mga numerong nakita natin. Pero ang dalas nga may tumatama. Sa mga lotto sa ibang bansa ay buwan, minsa'y taon pa ang inaabot bago may nananalo. Bakit kaya? May nagsasabi pa nga na tuwing may halalan, marami ang tumatama. Sa pagsulat nito ay dalawa naman ang tumama sa 6/45. Huling tinamaan ang 6/45 noong Setyembre 23. Sampung araw lang ay may tumama na naman, dalawa pa. Napakasuwerte naman ng Pilipino.


Baka ito ang mga tanong nais masagot sa planong imbestigasyon ng ilang senador sa nakaraang Grand Lotto 6/55. Para walang mag-isip o magsuspetsya na may iregularidad na nagaganap sa PCSO, partikular sa lotto. Pinalalabas naman sa TV ang mga bola. Ipinapakita na pare-pareho ang timbang ng mga bola. Hindi rin tao ang namimili ng mga bola kundi makina sa pamamagitan ng hangin, kaya baka nataon lang talaga. Talaga ba?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page