top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

‘Wag na i-require ang pagsusuot ng face shield

BULGAR
Jun 16, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 16, 2021



Kamakailan ay nagbigay na ng pahayag ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) at ang Department of Health (DOH) na hindi maaaring pagbigyan ang mga panawagang huwag nang i-require ang publiko na magsuot ng face shield.


Ayon sa IATF at DOH ay malaking tulong umano ito para sa proteksiyon ng publiko laban sa COVID-19 sa kabila nang umuusad na ang pagbibigay ng bakuna sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ngunit nakikisimpatya tayo sa panawagan, hindi lamang ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan kung hindi ng marami nating kababayan na itigil na ang pagsusuot ng face shield at marahil ay napapanahon na para ikonsidera ang kanilang hinaing.


Marami ang nagdududa sa pagkakadagdag ng paggamit ng face shield sa umiiral na miminum health protocol laban sa pagkalat ng COVID-19. Partikular ang mga nakaugnayan natin sa larangan ng panggagamot o nasa medical field na nagsasabing wala umanong malinaw at positibong patunay na kaya nitong pigilan ang community transmission ng naturang virus.


Sa katunayan ay may ilang doktor tayong nakausap hinggil dito na nagbigay pa ng kabaliktarang pahayag na posibleng may masama pa umanong dulot ang pagsusuot ng face shield dahil sa epekto nito sa tamang bentilasyon at tamang daloy ng hangin.


Ang distansiya umano ng face shield sa mismong mukha nang nagsusuot nito ay lubhang napakalapit para makaikot ng sapat ang hanging kakailanganin para makahinga ng maayos na pangunahing dahilan din kaya marami ang itinataas na lamang ito sa kanilang ulo.


Marami rin sa ating mga kababayan ang nawalan ng kabuhayan at pati nga mga dating naghahanapbuhay ay literal na namamalimos na lamang para makakain pero imbes na isusubo na lamang ay ibibili pa ng face shield dahil idinagdag ito sa kautusan.


Makabubuting ipagpatuloy na lamang ng publiko ang napatunayan at epektibong minimum health standards na umiiral sa kasalukuyan tulad ng tamang pagsusuot ng facemask, physical distancing at regular na paghuhugas ng mga kamay at pananatili sa personal na kalinisan.


Sa simula’t simula pa ay ito na ang panuntunang sinusunod natin na pinakaepektibong paraan para huwag tayong mahawa sa COVID-19 na siya pa rin nating ginagawa habang isinasagawa na ang pagbabakuna.


Higit sa lahat, ang minimum health standards ay inirekomenda mismo ng World Health Organization (WHO) na hindi lang sa ating bansa ipinatutupad kung hindi sa buong mundo at maliwanag na wala riyan ang pagsusuot ng face shield.


Ang nakatutuwa pa, marami ng bansa ang maayos na ang kalagayan at ang iba ay idineklarang wala nang kaso ng COVID-19, ngunit kahit isa sa kanila ay hindi gumamit ng face shield at tayo lang ang nagpapatupad niyan.


Nauunawaan natin ang pinanggagalingan ng IATF at DOH na kapareho natin ang layon na mapagtagumpayan pare-pareho ang pandemyang ito. Marapat na patuloy gumamit ng face shield para mabilang ito sa Personal Protective Equipment o PPE ng ating mga medical at in-facility frontliners na harap-harapang nakikipag-ugnayan sa mga positibo sa virus na ito.


May pahayag ang DOH hinggil sa pag-aaral sa India na nagpapatunay na 100% umanong epektibo ang pagsusuot ng face shield para mapigilan ang COVID-19 transmission sa community health workers.


Ayon ito sa pag-aaral ng Bhaskar and Arun (2020) para sa community health workers sa India, na matapos umanong ituro ang paggamit ng face shield sa may 50 health workers na nakadaupang-palad ang may 118,428 katao noong Mayo 2020 ay wala kahit isa ang nahawa sa COVID-19.


Hindi tayo tumututol sa pag-aaral na ‘yan, okay ‘yan sa ating mga doctors, nurses, hospital workers at crematorium workers na direktang kaulayaw ang mga positibo sa COVID-19, pero para sa publiko, baka hindi na kailangan.


Ito ang mga dahilan kaya muli tayong nananawagan na bigyan ng konsiderasyon ang ating mga kababayan para hindi na magsakripisyo pa sa paggamit ng face shield gayung maaari naman palang hindi na magsuot pa.


Nagpapasalamat tayo sa pagsisikap at mabuting intensiyon ng IATF at DOH na mabigyan ng proteksiyon ang ating mga kababayan at maitawid ang pandemyang ito, ngunit muli ay konsiderasyon ang pakiusap ng marami nating kababayan.


Kung kalinisan din lang naman ang pag-uusapan para makaiwas tayo na mahawa sa COVID-19 ay marahil kapansin-pansing marami sa ating mahihirap na kababayan ang nagsusuot ng napakaruming face shield.


Hindi dahil sadya silang marumi kung hindi pilit pa rin nilang ginagamit ang halos nangingitim ng disposable na face shield dahil natatakot silang mahuli ng awtoridad sakaling magtungo sila sa mga lugar na kailangang magsuot nito.


Dahil sa kawalan nang pambili ng face shield ay isinusuot pa rin ng ilan ang halos sira-sira na, tupi-tupi na o sa mas tamang pananalita ay nanggigitata na, tapos sasabihin n’yo pang para ito sa kaligtasan ng marami nating kababayan!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page