‘Wag matakot sa bakuna, mas matakot sa COVID-19!
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 03, 2021
Isang tagumpay para sa bansa ang ating nakamit nitong mga nakaraang araw! Nitong Linggo lang, February 28, dumating na ang 600,000 doses ng bakunang Sinovac galing China. Ito ang unang batch ng bakuna na dumating sa bansa.
Pagdating ng Lunes, hindi tayo nagsayang ng oras at sinimulan na agad ang vaccine roll-out program ng pamahalaan. Inuna natin ang ilang mga medical frontliners sa COVID-19 referral hospitals sa Metro Manila. Sila ay ang ating prayoridad sa ngayon dahil sila ay regular na exposed sa virus.
Nakakatuwa at nakakaiyak makita na isinasagawa na ang ating vaccine roll-out program. Kitang-kita na natin ang pag-asa ng ating mga kababayan. Sa darating na mga araw, mas marami pang Pilipino ang mababakunahan sa iba’t ibang parte ng bansa.
Simula pa lang ito. Patuloy pa ring nagsusumikap ang inyong pamahalaan upang makakuha ng sapat na ligtas at epektibong mga bakuna upang makamit natin ang herd immunity.
Noong Miyerkules ng nakaraang linggo lang, humingi tayo ng tulong mula kay British Ambassador to the Philippines Daniel Pruce na siya mismong tumiyak na mapabilis ang pagdating ng AstraZeneca vaccine mula sa COVAX Facility.
Huwag tayong matakot sa bakuna. Matakot tayo sa COVID-19. Ang bakuna ang solusyon para makabalik tayo sa normal.
Kaya patuloy ang hamon natin sa ating mga opisyal sa pamahalaan na magpabakuna sa harap ng publiko para mabuo ang kumpiyansa ng mamamayan. Hindi dahil prayoridad sila, kundi para maipakita sa taumbayan na wala silang dapat ikatakot dahil ang bakuna ang tanging susi upang masolusyunan ang krisis na ito.
Handa kami ni Pangulong Duterte na magpabakuna sa publiko para mapatunayan na ito ay ligtas para sa ating lahat. Sa ngayon, hinihintay na lang namin ang payo ng doktor ng Pangulo kung anong klase ng bakuna ang naaangkop para sa kanyang edad at kalagayan.
Huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil ang mga bakuna ay nandito na. Ngunit huwag pa rin nating kalimutang sumunod sa mga health protocols para manatiling ligtas ang mga komunidad hangga’t makamit na natin ang tinatawag na herd immunity. Sama-sama tayo sa ating paglakbay na ito.
Patuloy ang ating bayanihan! Kayang-kaya natin ito, mga kababayan!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments