‘Wag manghinayang sa tirang pagkain ngayong holiday season
- BULGAR

- Dec 27, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Dec. 27, 2024

Dapat na maging maingat sa mga leftover food na mula pa sa mga handa natin nitong Noche Buena at mga salo-salo.
Ito ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko dahil may posibilidad ng food poisoning kung kailan napakaraming natirang pagkain na nanggaling sa iba’t ibang party na ating dinaluhan ngayong holiday seasons.
Sa isang panayam sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo, panahon ngayon na marami ang umuulit ng kanilang ulam, kung saan lahat ng kinakain natin ay galing sa mga tirang pagkain.
Ayon sa kanya, ang isang palatandaan na hindi na puwede ang pagkain ay kung may kakaibang amoy na ito, kaya huwag na nating pilitin na kainin pa dahil ang mga ‘yan ay tiyak na napanis na.
Inihalimbawa niya rito ang buko salad, na kapag may ibang klaseng amoy o maasim na siguradong panis na ito.
Ipinunto rin ni Domingo na kahit na nanghihinayang tayo sa pagkain subalit kung panis na ay hindi na dapat kainin ang mga ito dahil mas mahal pa rin ang maospital kaysa sa maghanda o magluto na lamang ng mga bagong makakain.
Ipinaliwanag pa niya na kapag napansin natin na mayroong kakaiba sa kulay at amoy ng pagkain ay huwag na itong subukang kainin.
Bukod sa food poisoning aniya, ngayong papalapit naman ang Media Noche para sa pagsalubong sa Bagong Taon ay dapat na limitahan natin ang pagkain ng mga maaalat, matatamis o matataba at mamantika.
Payo niya na mainam na gulay o prutas ang nasa kalahati ng pinggan habang kaunti lamang ang carbohydrates gaya ng kanin o noodles, at ang protina o karne.
Mahalaga rin aniya, na matiyak natin ang kalinisan ng pagkain at tubig para maiwasan din ang anumang food borne illness.
Marahil, hindi na dapat tayo magdalawang-isip pa at manghinayang sa mga natira nating pagkain ngayong Kapaskuhan para maiwasan natin ang magkasakit o ma-food poison dulot ng bulok na pagkain.
Kadalasan ang mga pagkain na may halong sauce, gatas at iba pa ay mabilis na mapanis kahit pa sabihin na nailagay naman ang mga ito sa freezer. Maaaring kasing na-contaminate na ang mga ito habang nakalatag sa ating mesa at nang hindi maubos ay saka ilalagay sa ating mga ref.
Payo natin sa mga kababayan na kilatisin na mabuti ang ating mga tirang pagkain bago initin at kainin, lalo na kung may kakaibang kulay, amoy, may moist na, o kaya naman ay may bula-bula dahil tiyak at walang kaduda-dudang panis na at hindi na ito tamang kainin pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments