‘Wag maliitin ang bisa ng pagsasayaw
- BULGAR
- 16 hours ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 2, 2025

Kailan ka huling umindak o sumayaw?Naitatanong natin ito dahil nitong Martes ang International Dance Day na pandaigdigang pagpapahalaga hindi lamang sa sayaw at iba’t ibang uri nito kundi sa kabutihang taglay nito para sa lahat.
Itinatag ang espesyal na araw na ito ng International Dance Council at ng International Theatre Institute at sinimulang ipagdiwang noong 1982, kasabay sa anibersaryo ng kapanganakan ni Jean-Georges Noverre, ang kinikilalang ama at tagalikha ng klasiko o romantikong ballet.
Dito sa Pilipinas ay may maagang kapistahang ginanap sa siyudad ng Makati mula nitong ika-23 hanggang ika-27 ng Abril: ang International Dance Day Festival. Sa bawat isa sa nabanggit na apat na araw ay may kani-kanyang pinagtuunang klase ng sayaw, mula sa mga katutubo’t tradisyunal na tipo pati ang ballet, hanggang sa street dance at kontemporaryong mga sayawan. Masigla’t animado ang piyestang iyon lalo pa’t kinatampukan ng mga mananayaw mula sa UK, Hong Kong, Amerika at mga taga-loob at labas ng Metro Manila.
Isa sa pinakainklusibong bagay na magagawa ninuman ang pagsasayaw. Bata man o matanda ay makasasayaw ng alinman sa ‘di mabibilang na tipo ng sayaw sa kasaysayan ng mundo.
Ang pagsasayaw ay pagkilos na tila may sariling wikang ipinamamalas sa halip na binibigkas, at ito’y pamamaraan din ng pagpakita ng lumipas o kasalukuyang mga kaugalian. Ang konsepto ng sayaw ay sadyang malikhain at itinuturing na sining, kung kaya’t tayo’y may anim nang mga dalubhasang nahirang na bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Sayaw.
Daan-daan na, kundi man libu-libo, ang mga uri ng sayaw dala ng mga pagbabago sa buhay at kultura at pagkakaiba-iba ng mga lahi at lugar. Kung kaya’t, halimbawa, may mga “urban” na sayaw na sumasalamin sa modernong buhay, na ‘di hamak na napakatulin ng mga hakbang kung ihahambing sa sinaunang mga sayaw, na mabuti na lang ay patuloy na napapanatili ng propesyonal na mga koponan. Nakagagalak ding malaman na may tinatawag na para dance, na isang uri ng palakasang sayawan para sa mga naka-wheelchair.
Kahit ang panonood lamang ng mga sumasayaw, lalo na kung sila ay nag-ensayo nang sapat at suwabe ang koreograpiya, ay nakagaganda ng araw. Kaya rin naglipana ang maiikling video sa social media kung saan iba’t ibang ordinaryo o tanyag na mga tao ang makikitang kumekembot sa saliw ng anumang usong pampaindak na mga awitin. Ito rin ang dahilan kung kaya’t isa sa pinakaaabangang mga programa ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang taunang patimpalak nito sa cheerdancing.
Ngunit mas maganda’t matimbang kung tayo mismo ang sasayaw, kahit walang manonood o kamera sa ating harapan at hindi entablado ang ating kinatatayuan. Sapagkat maraming benepisyo sa pangangatawan ang dulot ng pagsayaw.
Kabilang dito ang pagpapabuti ng ating kakayanang gumalaw at maging maliksi, ng kalusugan ng ating puso, ng ating koordinasyon at balanse sa kilos, at ng ating lakas at kalamnan. Nakatutulong din ang pagsayaw sa pagmimintina ng wastong timbang, at sa pagpapatibay ng ating mga buto. Dahil nangangailangan ng pag-iisip at pag-alala ng mga kilos ay nakapagpapatalas din ito ng ating isip sa larangan ng kognisyon at memorya.
Sapagkat aktibidad na puno ng masiglang paggalaw, ang pagsayaw ay nagagawa ring makapabawas ng ating stress, makapagparikit ng ating kalooban, at makapagpatibay ng ating amor propio. Nagbibigay din ito sa atin ng pagkakataong makisalamuha sa kapwa at mapagtibay ang ating mga samahan.
Sa madaling salita, ang pagsayaw ay pampalimot ng problema, pampasaya ng diwa, pampagising ng katawan. Kaya rin patuloy, halimbawa, ang kasikatan ng Zumba bilang ehersisyo at palatuntunan sa ating mga barangay mahigit isang dekada na.
Bagaman marami ang bihasa sa pagsayaw, hindi natin kailangan maging eksperto sa pag-indak upang matamasa ang dalisay na halaga nito. Maraming punto sa ating araw ang mahahanapan ng pagkakataong sumayaw-sayaw ng kahit tahimik at marahan, sa hanapbuhay man o mga gawaing bahay gaya ng paghuhugas ng pinagkainan o pagwawalis.
Masarap gumalaw-galaw sa pamamagitan ng pagsasayaw nang kahit mag-isa. Ngunit iba pa rin at mas masaya kung may bukod-tanging kapareha o kaya’y kabilang sa isang grupo.
Kaya rin naman sunud-sunod na ang napapanood nating TV ad ng mga pulitikong kumakandidato gamit ang istratehiya ng pagsasayaw, habang inilalahad ang kanilang mga nagawa o naipasang batas.
Kung susumahin, ang buhay ay isang malaking sayaw. Kung paano ka iindayog sa bawat pagkakataon ay siyang magdadala sa’yo sa landas ng tagumpay o kapariwaraan na pinipili ng iyong bawat paghakbang.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Kommentarer