Panawagan ng pamilya ng OFW sa DFA
- BULGAR

- 10 minutes ago
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 5, 2025

Nananawagan tayong muli sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan ang pamilya ng pumanaw nating kababayang si Nenita Platon Gonzales ng Tanauan, Batangas na makuha na ang kanyang death certificate sa lalong madaling panahon.
Aba’y pumanaw si Nenita noon pang Pebrero 24, 2025 sa Jinjiang District, Chengdu, Sichuan, China at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ng kanyang naulilang pamilya ang katibayan ng kanyang kamatayan.
Mahalaga ang dokumentong ito para sa pagkuha ng mga benepisyo mula sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Social Security System at iba pa.
DFA, nalalapit na ang kaarawan ni Nenita sa Enero 4, kaya't nawa naman ay maging handog n'yo na ang dokumentong ito sa kanyang pamilya na hanggang ngayon ay iniinda pa rin ang kanyang pagkawala.
Panawagan ng kanyang anak na si Renz Lynard Platon Gonzales sa DFA at sa Embahada natin sa Beijing, China, na tulungan siyang makuha na ang death certificate ng kanilang inang si Nenita o mas kilala bilang "Nita".
Umaasa rin ang mga kapatid ni Nenita na sina Onnie Platon Siman, Lina Platon, Liza Platon Amutan, Peter at Perry Platon, ng karampatang aksyon ng pamahalaan.
Makipag-ugnayan na nawa sa kanila ang pamahalaan sapagkat sa pinakahuli nilang follow-up ay nakalulungkot na wala pa rin ang nasabing dokumento.
Magugunitang may katagalan ring hinintay ng pamilya ni Nenita ang pag-uwi sa Pilipinas ng mga labi ng Batangueña. Bawat araw ng paghihintay simula pa noong siya ay pumanaw, hanggang sa paghihintay para sa death certificate ni Nenita ay nagpapanumbalik sa sakit ng mawalan ng isang ina.
Si Nenita matagal na dapat nagretiro, ngunit nagawa pa rin niyang patuloy na magtrabaho para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya at mga anak — hanggang sa siya ay pumanaw habang nasa maikli sanang bakasyon sa China kasama ang kanyang mga kaopisina.
Matatandaang isinugod si Nenita sa Chengdu City No. 2 People's Hospital noong Pebrero ng kanyang mga kasama sa trabaho, matapos makaramdam ng pamamanhid ng katawan. Hanggang sa siya ay maoperahan, na naging matagumpay, ngunit makaraan ang isang araw ay binawian na rin ng buhay ang ating kababayan.
Ang inaasam sanang kaunting pahinga niya sa ibang bansa mula sa walang humpay na paghahanapbuhay sa Pilipinas ay nauwi sa tuluyang pagkapagod at panghihina habang nasa ibang bayan.
Ang nangyaring ito kay Nenita at ang paghihintay ng kanyang pamilya mula sa mga labi hanggang sa dokumento ay salamin o repleksiyon ng sistema ng ating gobyerno sa larangan ng pagdamay, pagmamalasakit at pagtulong sa ating mga kababayan na nahaharap sa masalimuot na mga sitwasyon sa ibang bansa.
Kung tutuusin, ang lapit lamang ng China sa Pilipinas. Ngunit tila kay layo rin sa tagal ng kanilang paghihintay.
Ang burukrasiya ay hindi na dapat pang patuloy na magpahirap sa ating mga kababayan at kanilang pamilya.
Ang gobyerno ay nilikha para magsilbi, hindi para maging karagdagang sanhi ng sakit ng kalooban ng mamamayan.
Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, lingapin ninyo ang hiling at daing ng pamilya Platon. Isa rin kayong ina tulad ni Nenita na malalim ang pagmamahal at pagsasakripisyo para sa inyong mga anak. Umaasa sila ng inyong pagdamay.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments