Salamat sa mga medical technologist, isa sa mga haligi ng healthcare system
- BULGAR

- 5 minutes ago
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 5, 2025

Nitong December 2, naimbitahan ako bilang keynote speaker sa Philippine Association of Medical Technologists, Inc. (PAMET) 61st Annual National Convention. Pagtitipon ito ng mga lider, delegado, at practitioners mula sa iba’t ibang rehiyon na nagtitipon upang talakayin ang direksyon ng kanilang propesyon.
Bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Health, naniniwala ako na kailangang iangat ang regulasyon natin sa isang propesyong nakabase sa agham at teknolohiya. Ito ang dahilan kung bakit itinulak ko ang Senate Bill No. 172 o ang New Medical Technology Law. Layunin nitong iangat ang professional standards, i-update ang scope of practice, at kilalanin ang mga bagong teknolohiyang ginagamit sa diagnostic science.
Mabilis na umuusad ang medical technology sa buong mundo, samantalang ang framework natin ay 56 taon na. Kung hindi tayo sasabay, apektado ang kalidad ng health services at mga pasyente ang kawawa.
Bahagi ng aking health reforms crusade ang pagsusulong na ang bawat miyembro ng healthcare workforce ay may pag-asang umangat sa piniling tungkulin. Ang training at specialization ay hindi pabor na hinihingi — ito ay kasangkapan para sa kaligtasan ng pasyente. Ito ang binigyang-diin ko sa mga medical technologists: bawat resultang ipinapasa nila ay may kasamang responsibilidad na kadalasang hindi nakikita ng publiko, ngunit kritikal sa diagnosis at gamutan. Maraming buhay ang nakasalalay sa kalidad ng kanilang trabaho.
Malaki ang dapat nating ipagpasalamat sa medical technologists dahil sila ang isa sa mga haligi ng healthcare system na tahimik na gumagawa sa likod ng bawat operasyon, bawat gamutan, at bawat pagbangon ng pasyente. Patuloy ang kanilang serbisyo; tungkulin kong tiyaking hindi sila malilimutan sa polisiya at batas.
Samantala, noong November 26, personal tayong dumalo sa Opening Ceremony ng MB Cup Citywide Tournament Season 2 sa Quezon City bilang Chairman ng Senate Committees on Sports at on Youth, kung saan 114 na barangay ang lumahok sa citywide basketball tournament. Ang makabuluhang kaganapang ito, inisyatibo ni Councilor Mikey Belmonte, ay patuloy na nagtataguyod ng pagkakaisa, disiplina, at malusog na kompetisyon sa kabataan sa pamamagitan ng sports.
Nakibahagi rin tayo sa send-off program para sa ating mga atletang Pilipino na sasabak sa 33rd Southeast Asian Games noong November 28, at buong puso kong ipinahayag ang aking suporta at pagbati sa Team Philippines. Buo ang aking paniniwala na may kapangyarihan ang sports na pagkaisahin ang Pilipinas, pinagbubuklod ang ating mamamayan sa ilalim ng iisang bandila. Galing ay ilabas, galing ng Pilipinas!
Noong nakaraang linggo, ang ating Malasakit Team ay naghatid ng iba’t ibang tulong sa mga Pilipino habang tumulong sila sa mga displaced workers sa Balete, Lian, at Padre Garcia sa Batangas; Muntinlupa City; at Masinloc, Zambales. Ang mga biktima ng sunog sa Lipa City at Talisay, Batangas; at Surigao City, Surigao del Norte ay nabigyan din ng tulong ng team. Bukod dito, ang mga biktima ng bagyo mula sa La Carlota City at Moises Padilla sa Negros Occidental ay nakatanggap din ng ayuda.
Naanyayahan din tayo sa KATuwang sa Kalusugan Karavan sa Meycauayan City, Bulacan. Nagbigay rin ng karagdagang suporta ang ating Malasakit Team sa mga TESDA graduates mula sa Nov Training and Assessment Center, Inc. sa Bamban, Tarlac; Raphael Alessandri Foundation Academy sa General Santos City; at Winzelle International College Inc. and Advancetech International Manpower Training Center sa Zamboanga City.
Samantala, sa pagpapatuloy ng Senate deliberations para sa taunang pambansang budget, ipaglalaban natin ang mga programang talagang mapapakinabangan ng taumbayan. Dapat mabantayan ang paggamit ng pondo nang wasto at hindi mapunta sa korupsiyon. I am one with the Filipinos in this fight and crusade against corruption.
Dapat mapanagot ang mga tunay na mastermind ng malawakang korupsiyon.
Patuloy kong paglilingkuran ang mga kapwa ko Pilipino nang may pagmamahal at malasakit dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments