Pananagutan sa pagbili ng bagay na galing sa nakaw
- BULGAR

- 59 minutes ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 5, 2025

Dear Chief Acosta,
Binentahan ako ng cellphone ng aking katrabaho sa murang halaga. Aniya, diumano, ito ay ang kanyang lumang cellphone na ngayon niya lang ulit nahanap. Lingid sa aking kaalaman, ang nasabing cellphone pala na ibinenta niya sa akin ay ninakaw niya mula sa kanyang pinsan. Nais ko sanang malaman kung maaari ba akong maparusahan dahil sa pagbili ng cellphone mula sa aking katrabaho na galing pala sa nakaw. -- Cecilyn
Dear Cecilyn,
Ang Presidential Decree No. 1612 (P. D. No. 1612) ay isinabatas bilang tugon sa laganap na pagnanakaw sa mga ari-arian ng gobyerno at pribadong sektor dahil sa pagkakaroon ng mga taong handang bumili ng mga nasabing ari-ariang galing sa nakaw. Kung kaya’t ipinagbabawal ng P. D. No. 1612 ang Fencing na binigyang depinisyon sa ilalim ng Seksyon 2 ng batas na ito:
"Fencing" is the act of any person who, with intent to gain for himself or for another, shall buy, receive, possess, keep, acquire, conceal, sell or dispose of, or shall buy and sell, or in any other manner deal in any article, item, object or anything of value which he knows, or should be known to him, to have been derived from the proceeds of the crime of robbery or theft.
Ang sinumang tao na may layuning kumita para sa kanyang sarili o para sa iba, na bibili, tatanggap, magmamay-ari, mag-iingat, kukuha, magtatago, magbebenta o magtatapon, o bibili at magbebenta, o ikakalakal sa anumang ibang paraan ang isang artikulo, item o anumang bagay na may halaga na alam niya, o dapat ay alam niya, na nagmula sa mga nalikom sa krimen ng pagnanakaw, ay mananagot sa batas para sa krimen ng Fencing.
Gayundin, ayon sa kasong Benito Estrella y Gili vs. People of the Philippines (G.R. No. 212942, 17 June 2020), sa panulat ni Honorable Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, ipinaliwanag ng Korte Suprema na:
“The law on Fencing does not require the accused to have participated in the criminal design to commit, or to have been in any wise involved in the commission of, the crime of robbery or theft. The essential elements of the offense are:
1. A crime of robbery or theft has been committed;
2. The accused, who is not a principal or accomplice in the commission of the crime of robbery or theft, buys, receives, possesses, keeps, acquires, conceals, sells or disposes, or buys and sells, or in any manner deals in any article, item, object or anything of value, which has been derived from the proceeds of the said crime;
3. The accused knows or should have known that the said article, item, object or anything of value has been derived from the proceeds of the crime of robbery or theft; and
4. There is on the part of the accused intent to gain for himself or for another.”
Sang-ayon sa nasabing kaso, upang managot sa kasong Fencing, hindi kinakailangan na ang akusado ay aktuwal na lumahok sa kriminal na plano, o masangkot sa anumang paraan sa paggawa ng krimen ng pagnanakaw o pagnanakaw.
Sa inyong sitwasyon, kailangan na kumpleto ang lahat ng elements ng kasong ito bago ka managot sa batas. Una, kailangan na may pagnanakaw na naganap. Ikalawa, kinakailangan na ikaw ay hindi principal o accomplice sa pagnanakaw ng cellphone na iyong binili o bibilhin. Ikatlo, alam mo o dapat ay alam mo na ang nasabing cellphone ay nagmula sa mga kinita ng krimen ng pagnanakaw. At pinakahuli, kailangan na mayroon kang intensyon na makinabang para sa inyong sarili o para sa iba.
Kung lahat ng mga nasabing elements ng krimen ay kumpleto sa inyong sitwasyon, maaari kang mahatulan ng pagkakakulong depende sa halaga ng gamit na nanakaw sang-ayon sa Seksyon 3 ng batas na ito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments