top of page

‘Wag lang mga mata ang gamitin sa social media kundi pati utak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 27, 2025
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 27, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Mananatili na ang social media sa ating buhay. Kahit pa nga batang wala pa sa hustong pagkamuwang ay mulat na sa mga uri ng social media kahit dapat ay hindi pa. 


Ang bawat isa sa ating nasa hustong edad ay kabilang sa ilang bilyong gumagamit ng social media, na bukod sa Facebook at Messenger ay kinasasaklawan ng YouTube, X (ang dating Twitter), Viber, Instagram, TikTok, Threads, LinkedIn, Snapchat, Whatsapp, Telegram, Signal at marami pang iba, na maaari pang madagdagan sa paglipas ng panahon. Sa laki ng pinagsanib na espasyo nito’y para tayong bata na nasa malaking supermarket na namamangha sa dami at pagkamakulay ng mga makikita, tapos maya’t maya pa natin puwedeng pasukin at baka pa nga’y hindi lisanin. 


Napakalakas na kasangkapang pangkomunikasyon ang social media. Sa pamamagitan nito’y malalaman kaagad, halimbawa, ang maiinit na balita, na hindi lamang maipababatid nang napakabilis kundi pati sa napakaraming tao.


Napakahalagang tulong nito upang makapalagay ng loob o makapaspas sa pagsagip ng kapamilya o kaibigang nalagay sa panganib. Naging mas patas na rin kaysa dati ang pagkalap at pagtamasa ng impormasyon, pati ang pagkakataong makapaghayag ng saloobin at pananaw.


Pati ang pagiging mistulang artistang sumasayaw o kumakanta o kaya’y mistulang pag-emcee sa pamamagitan ng pagba-vlog ay magagawa gamit ang mga modernong kasangkapang pangteknolohiya na katuwang ng nabanggit na mga app.


Maaari ring maging kapaki-pakinabang na daan ang social media upang makapagbenta ng ‘di naaarawan o kaya’y makapaglahad ng ‘di matatagalan sa pag-abot ng ibabahagi.


Matamis na biyaya ring makapagtawagan at magkita nang kahit birtwal ang mga magkatuwang sa buhay, kahit malawak na karagatan ang sa kanila’y namamagitan. Madalas na ring nagiging tulay ang socmed ng mga nangangailangan ng tulong sa mga maaaring makaramay o makapag-alay. 


‘Yun nga lang, kahit walang katuturang na mga usapin o masangsang na mga tsismis o alitan ay magigisnan din, at nawiwili pa nga ang marami sa ganitong uri ng online content. Sa isa pang banda, nakakakansa’t nakapapalagas ng lakas ang labis na pagtunghay sa socmed, pati na ang emosyonal na pasakit dala ng pag-aabang at pag-aasam ng reaksyon sa ipinaskil, mula man sa ‘di kakilala o sa sinisinta. Ang isa pang sablay ay, sa sobrang iksi ng mga mensahe at mga video sa socmed sa hangaring makakuha ng limitadong atensyon, umiiksi naman ang ating attention span o kakayanang tumutok, at baka pati pa nga ang pisi ng pasensya.


Ang masahol pa riyan ay naglipana ang mga mapanamantala, maging sa walang patid na pagiging “mema” para lang may masabi o kaya, mas malala, ang mga nambubudol, nang-i-scam o nanloloko para makanakaw ng pinaghirapang pera, makaakit ng hamak na mga tagahanga o kaya’y makasilaw ng inosenteng mga botante.


Kung kaya’t gaya ng anumang lugar, ugaliing mag-ingat at maging mapagmatyag habang nasa kalawakan ng socmed. Asintaduhing maging disiplinado sa paggamit nito. Huwag lang mga mata ang gamitin kundi pati ang utak.


Ugaliing ituring ito na kasangkapan o libangang madaling maipagpapaliban imbes na makauubos-panahon na kahibangan. Pagtibayin ang kakayahang lumabas at kumalas mula roon sa anumang sandali. Ugaliin ding maging magalang habang naroroon at huwag maging mapangutya, walang modo o mapanlamang.


Mahalagang pahalagahan ang buhay sa loob at labas man ng social media, ng iba man o ng sarili. Nasa sa atin kung magugumon o magiging disiplinado, kung mawiwili nang labis o makapiglas nang hindi pahirapan at hindi matitinag. Huwag magdu-doomscroll, o magbabasa-basa nang tila walang direksyon o katapusan, lalo na kung nasa hapagkainan kasama ang pamilya o kung may kausap nang harapan. 


Huwag ding kainggitan ang makikitang karangyaan o luho ng iba, na posible namang may ikinukubling lungkot o pagsubok na kanila palang patagong nararanasan. Imbes ay gawin silang inspirasyon at ipatupad ang iyong sariling mga pangarap o hangarin upang mapagiliw ang buhay ng sarili at ng kapuwa.


Sa bandang huli, at gaya ng ibang aspeto ng ating pamumuhay, hindi matatamasa ang mga pakinabang ng social media kung wala tayong kusa at aksyon. Kaya’t gumalaw-galaw upang maisagawa ang natutunan, maisadiwa ang nasilayang kabutihan, maisapuso ang maipalalaganap na kagandahan, at matupad ang matatayog na pangarap.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page