top of page
Search
  • BULGAR

'Wag daw siyang gamitin sa promo ng aktor… AKTRES NA NANAY NG PANGANAY NI BARON, NAGSALITA NA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 21, 2024



Sino kaya ang aktres na tinutukoy nina Nanay Cristy Fermin, Wendell Alvarez at Romel Chika sa vlog nilang Showbiz Now Na (SNN) na ina ng panganay na anak ni Baron Geisler?


Sa panayam kay Baron ni Ogie Diaz kamakailan ay inamin ng una na may panganay siyang anak na hindi niya nakakasama pero alam ito ng asawa niya.


Ayon kay 'Nay Cristy ay kilala niya ang ina ng anak ng aktor pero hindi niya ito papangalanan dahil nakiusap daw ang aktres na huwag siyang pangalanan.


Sa The Buzz kung saan isa siya sa mga hosts ay ini-report ni 'Nay Cristy noong Oktubre 5, 2008 na nagsilang ng sanggol na babae ang aktres sa ospital na matatagpuan sa pagitan ng Mandaluyong at Pasig.


Alas-dose nang hatinggabi in-admit ang personalidad at kinabukasan siya inoperahan para sa anak nila ni Baron.


Ayon pa sa SNN host ay ibang pangalan ang ginamit ng aktres. Paglabas niya ng hospital ay hindi niya kasamang umuwi ang anak bagkus ay pinaalagaan muna niya ito sa kaibigang aktres at pagkalipas ng ilang buwan ay inihatid na ang anak sa bahay nila, then ipinakilala niya sa karelasyon bilang kanyang ampon.


Dahil sa report ni 'Nay Cristy, nagkaroon sila ng ‘di pagkakaunawaan ng ina ng anak ni Baron.


Ani ‘Nay Cristy, “Kinausap ko ‘yung ina ng itinuturing na panganay ni Baron Geisler, hindi pa kasi kasagsagan ng social media nu’ng 2008, pero matindi na ito (at) gumawa na ito ng napakalakas na ingay sa buong mundo ng showbiz talaga. 


“Sabi ko (sa nanay ng anak ni Baron) 'Nu'ng 2010, humingi ka ng tawad sa akin, kinausap mo ako, (at) pinatawad kita. Tinanggap mo kung anuman ang pinagsigalutan nating dalawa.


Ngayon, bayaran mo naman ako kasi labing-anim na taon ang pinalipas bago dumating ang bendikasyon.”


Tanong ni Romel Chika, “First time mong maningil, ha?”


“Oo, ‘yung vindication, kailangan kong maningil para naman po maitayo ko ‘yung kredibilidad kong sumasayaw-sayaw sa loob ng labing-anim na taon.


“Ang sabi niya sa akin (nanay ng panganay ni Baron), '‘Wag na 'wag mo lang Nanay babanggitin ang pangalan ko.’ Oo, humihingi lang ako sa ‘yo ng respeto, bumubusina ako para maitatawid namin ito sa SNN at sa CFM (Cristy Ferminute) nang hindi namin binabanggit ang pangalan mo,” kuwento ni 'Nay Cristy.


Samantala, tinanong ng SNN at CFM host ang aktres kung totoong nagkita na si Baron at ang anak nila at niregaluhan pa raw ng aktor ng alahas na ayon sa birthstone ng dalagita at cake.


Pero sagot ng aktres, “Wala akong alam! Wala akong pakialam! Hindi ko siya sinusundan (o), hindi ko siya pina-follow. Mag-isa kong pinalalaki ang mga anak ko.


Diyos lang ang katabi ko sa pagpapalaki ko sa kanila, hindi ko alam ‘yung sinasabi niya.”


Biglang naisip ni 'Nay Cristy kung bakit pagkalipas ng labing-anim na taon ay saka lang nagsalita si Baron para aminin ang panganay.


Sabi raw ng aktres, “Kasi mayroon siyang pelikula, ‘wag niya akong gagamitin sa promo ng pelikula niya!”


Say pa ni 'Nay Cristy, “Hindi po namin papangalanan kung sino ang aktres na tinutukoy na ina ng anak ni Baron Geisler pero sinabi naman ni Baron sa panayam (kay Ogie) na, ‘When everything is okay, kapag maayos na (ay) magkikita na ulit sila at babawi siya ng panahon.  


"Gusto raw niyang (Baron) magkaroon ng partisipasyon sa paglaki ng anak, pero disi-otso na ito ngayon, eh, (kaya) mahabang panahon ang kanyang hahabulin.”


Nagpasalamat si ‘Nay Cristy sa aktres dahil tahimik na ang buhay niya ngayon. At wala nang panahon pa para sa ganitong klaseng usapin dahil tahimik na nagtatrabaho since napakaraming iniwang problema ng asawa nito.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page