VP Sara, ‘pag nasagot nang tama ang mga alegasyon ng korupsiyon, sure win na sa 2028 Pres’l Election
- BULGAR

- May 31, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 31, 2025

MAGKASALUNGAT NA NAMAN ANG RESULTA NG SURVEY NG PULSE ASIA AT SWS -- Magkasalungat na naman ang inilabas na survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) patungkol kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio.
Sa Pulse Asia survey kasi ay 50% daw ng mga Pinoy ang ayaw matuloy ang impeachment kay VP Sara, pero sa survey naman ng SWS ay 9 sa 10 Pilipino raw ang nais na sagutin ng bise presidente ang mga alegasyong katiwalian sa kanya na kabilang sa isang kaso ng impeachment na isinampa sa kanya.
Madalas mangyari ‘yan na magkasalungat ang survey ng Pulse Asia at SWS. Alin kaya sa dalawang survey na ito ang totoo? Boom!
XXX
KAPAG SA IMPEACHMENT TRIAL NASAGOT NANG TAMA NI VP SARA ANG MGA ALEGASYON NG CORRUPTION SA KANYA, SURE WIN NA SIYA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION -- Nang iakyat ng Kamara sa Senado ang mga kasong impeachment kay VP Sara, ang sabi ng bise presidente noon ay dito sa Senado na siyang tatayong impeachment court niya haharapin lahat ng alegasyon sa kanya, kabilang ang sinasabing anomalya sa kanyang P650 million confidential funds.
Kaya kung si VP Sara ay kakandidatong presidente sa 2028 election at sa impeachment trial ay masagot niya nang tama ang samu’t saring alegasyon ng corruption sa kanyang confidential funds at nakapaglabas siya ng mga ebidensyang hindi siya nangurakot sa kaban ng bayan, sure win na siya sa 2028 presidential election, period!
XXX
BRGY. CERTIFICATE HINDI NA TATANGGAPIN NG COMELEC SA VOTERS REGISTRATION KAYA TAPOS NA ANG HAPPY DAYS NG MGA MANGRARAKET NA FLYING VOTERS -- Inanunsyo ni Comelec Chairman George Garcia na hindi na nila tatanggapin ang mga barangay certificate na ginagamit ng mga taong nais magparehistro para maging botante sa anumang lugar dahil sa hinala ng komisyon na nagagamit ito (barangay certificate) para sa mga flying voters.
Dahil diyan, tapos na ang happy days ng mga mangraraket na flying voters, boom!
XXX
NA-DEPORT NA SI TEVES, NAKAKULONG NA, NEXT NA KAYA SI HARRY ROQUE? -- Matapos kanselahin ng Philippine government ang pasaporte ni former Negros Oriental Rep. Arnie Teves, ay idineport na siya ng Timor-Leste authorities pabalik ng ‘Pinas at sa ngayon ay nakakulong na siya sa mga no bail na kasong kinasasangkutan niya tulad ng multiple murder, frustrated murders, etc.
Dahil sa pangyayaring iyan, hindi man aminin ay tiyak kinabahan si former presidential spokesman Harry Roque kasi kapag na-deny ang kanyang hirit na asylum, at nasundan ito ng pagkansela sa kanyang pasaporte ay tiyak idi-deport din siya ng The Netherland authorities at pagdating sa ‘Pinas siguradong kulong din siya sa kasong no bail na qualified trafficking in person, abangan!







Comments