Ang konsepto ng “finders keepers”
- BULGAR

- 43 minutes ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 23, 2026

Dear Chief Acosta,
May napulot ang kapitbahay ko na isang bag na naglalaman ng cellphone at pera na nagkakahalaga ng P1,500. Bagaman maliit lamang na halaga ay pinayuhan ko pa rin siya na dalhin sa barangay o pinakamalapit na istasyon ng pulisya ang nasabing bag upang ipagbigay-alam ito sa kinauukulan, ngunit ayon sa kanya ay siya na ang bagong may-ari ng mga ito dahil “finders keepers” diumano at wala rin naman aniyang naghahanap o tumatawag sa nasabing cellphone. Sang-ayon ba sa batas ang konsepto ng finders keepers? – Miriam
Dear Miriam,
Ang konsepto na “finders keepers” ay taliwas sa sinasabi ng batas. Sa Artikulo 22 ng New Civil Code ng Pilipinas ay nakasaad na:
“Every person who through an act of performance by another, or any other means, acquires or comes into possession of something at the expense of the latter without just or legal ground, shall return the same to him.”
Maliwanag sa nabanggit na probisyon ng batas na anumang bagay na makuha o mapasakamay ng sinuman nang walang kapahintulutan o legal na basehan ay obligadong ibalik ito sa may-ari. Kung ang isang bagay ay mawala, hindi nangangahulugan na ang pagmamay-ari nito ay maaalis sa nakawala at masasalin sa sinumang makasusumpong nito. Sa isang kaso na dinesisyunan ng Korte Suprema ay ipinaliwanag na ang ganitong konsepto ay maaari ring maituring na isang krimen. Sa kasong Fernando Pante vs. People of the Philippines (G.R. No. 218969, January 18, 2021), sa panulat ni Honorable Associate Justice Ramon Paul Hernando:
“Upon these considerations it is evident that the taking and appropriation of a thing by one who finds it, knowing the same to have been misplaced or lost by the true owner, and with knowledge of his identity, is legitimately within the classical definition of theft.
Having obtained possession of Word's lost money, Pante had the opportunity and the obligation to return the lost property to its rightful owner or to the local authorities, but he unjustifiably refrained from doing so. Assuming for the sake of argument that he did not know that the money belonged to Word, Pante would still be held liable for Theft for failing to return the amount. This is because the RPC does not require that the thief must know the owner of the lost property.”
Maliwanag sa desisyong ito ng Korte Suprema na hindi dahilan na hindi alam ng nakapulot kung kanino niya ito isasauli kahit pa walang naghahanap dito. Kaya’t sa kalagayan ng iyong kapitbahay ay makabubuti na ito ay kanyang ipagbigay-alam sa kinauukulan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments