Medical at courier services, libre na para sa mga OFWs
- BULGAR

- 51 minutes ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 23, 2026

Itinuturing na pangunahing prayoridad ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa bagong hakbang ng Land Transportation Office (LTO) na nag-aalis ng bayarin sa medical at courier services para sa renewal ng driver’s license ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa panahon na bawat sentimo ay mahalaga, malinaw na ipinapakita ng desisyong ito na kaya ng gobyerno umusad kapag inuuna ang kapakanan ng taumbayan. Sa ilalim ng bagong patakaran, hindi na kailangan ng mga OFW na maglabas ng dagdag na pera para sa medical at courier fees na dati ay bahagi ng proseso ng license renewal.
Malaking ginhawa ito lalo na sa mga manggagawang kumikita sa foreign currency ngunit may obligasyong suportahan ang pamilya sa Pilipinas. Ang simpleng pagbawas ng bayarin ay nagbibigay-daan para sa mas mahahalagang pangangailangan gaya ng edukasyon, kalusugan, at ipon.
Sa pakikipagtulungan ng LTO sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW), isinulong ang mga renewal caravan sa iba't ibang bansa kung saan maraming Pinoy ang nagtatrabaho. Sa pamamagitan ng mga caravan, inilalapit ang serbisyo sa OFW imbes na sila ang mag-adjust sa kumplikadong sistema. Mas mabilis ang proseso, mas malinaw ang gabay, at mas ramdam ang presensya ng pamahalaan kahit nasa ibayong-dagat ang mamamayan.
Ayon sa isang opisyal ng LTO, ang hakbang na ito ay pagkilala sa sakripisyo at ambag ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa. Nakaangkla rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagaanin ang pasanin ng migrant workers at tiyaking hindi sila napag-iiwanan sa serbisyong dapat ay abot-kamay ng lahat.
Sa mas malawak na konteksto, ang repormang ito ay paalala na kayang gawing makatao ng gobyerno ang burukrasya. Kapag ang polisiya ay iniangkop sa tunay na karanasan ng mamamayan, nagiging tulay ito ng tiwala sa pagitan ng estado at ng taumbayan. Ang pag-alis ng bayarin at pagdadala ng serbisyo sa kinaroroonan ng ating mga OFW ay konkretong patunay na ang malasakit ay nasusukat hindi lamang sa salita kundi sa ginhawa at benepisyong nararamdaman ng ordinaryong Pilipino, saan man siya naroroon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments