top of page

VP Sara, kinasuhan ng perjury si Mardriaga

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 5
  • 2 min read

ni Gina Pleñago @News | March 5, 2026



Inday Sara Duterte at Ramil Madriaga - OVP - Circulated

Photo: Inday Sara Duterte at Ramil Madriaga - OVP - Circulated



Nagsampa kahapon ng reklamong perjury si Vice President Sara Duterte sa Taguig City Prosecutor’s Office laban sa nagpakilalang dating “bagman” niya na si Ramil Madriaga.

Personal na inihain ni Duterte ang reklamo at pinanumpaan ito sa harap ng prosecutor.


“Dahil dito, ngayong araw ay naghain ako ng kasong perjury laban kay Ramil Madriaga upang tuluyang mapanagot siya sa kanyang mga kasinungalingan,” ani Duterte sa isang pahayag.


Sinabi ni VP Sara na hindi siya nagkaroon ng personal na kaugnayan kay Madriaga at hindi rin nagbigay ng anumang utos, hindi rin binisita sa kulungan at walang naganap na pag-uusap sa anumang bagay sa pagitan nila.


Kasama ni Duterte sa pagsasampa ng reklamo si Atty. Paolo Panelo, Jr., bilang legal counsel.


Matatandaang noong Disyembre 2025 nang maghain ng notaryadong affidavit si Madriaga sa Office of the Ombudsman na nagsasaad na siya ay naghatid ng malalaking halaga ng pera para kay Duterte para sa national campaign sa kandidatura nito, na nagmula umano sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at mga drug lord.


Unang nagsabi si Madriaga na dati siyang intelligence at security officer ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at siya ang bumuo ng Inday Sara is my President (ISIP) bilang national convenor noong 2020.


Ang mga alegasyon ni Madriaga ay kasama sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente.


Sinabi naman ni Duterte na desperado na si Madriaga dahil sa kinakaharap na kasong kriminal kaya nagpapakalat ng mga hindi tamang pahayag upang makalabas sa piitan.


Inakusahan din ni Duterte ang mga ginagawa ni Madriaga na bahagi ng “concerted efforts” upang hadlangan at pahinain ang posibleng kandidatura niya sa pagtakbo bilang pangulo ng bansa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page