VP Sara, ‘di na sasalang sa impeachment pero si SP Chiz malamang magisa dahil sa P142.7B pork barrel
- BULGAR

- Jul 27, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 27, 2025

KAHIT PINABORAN NG SC, VP SARA HINDI PA RIN LUSOT SA IMPEACHMENT? -- Kahit pumabor kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang desisyon ng Supreme Court (SC) na nag-uutos sa Senado na huwag nang litisin ang bise presidente sa kinakaharap nitong mga kasong impeachment dahil unconstitutional daw ang ginawa ng Kamara nang labagin ang 1-year rule sa pagsasampa ng articles of impeachment at hindi pagbibigay ng due process sa kanya, ay may mga senador ang nagsabi na dapat ituloy pa rin ang impeachment trial dahil co-equal daw ang mandato ng SC at Kongreso (Senado at Kamara), at wala raw nakasaad sa Konstitusyon na saklaw ng kapangyarihan ng Korte Suprema ang impeachment court.
Kaya kapag tuluyang hindi kinilala ng Kamara at Senado ang desisyon ng SC at itinuloy pa rin ang impeachment proceedings laban sa bise presidente, ibig sabihin niyan, hindi pa rin pala lusot sa kaso si VP Sara, boom!
XXX
DAPAT RESPETUHIN NG MGA PRO-IMPEACHMENT ANG PAGPABOR NG SC KAY VP SARA PARA WALANG CONSTITUTIONAL CRISIS, WALANG GULO -- Kapag itinuloy ng Senado ang pagbuo ng impeachment court para litisin si VP Sara sa kabila na may desisyon ang SC na pumabor sa bise presidente ay may mga law expert ang nagsabi na posibleng pagmulan iyan ng constitutional crisis sa Pilipinas.
Kabilang sa mga posibleng mangyari kapag nagkaroon ng constitutional crisis sa bansa ay pagtatatag ng bagong Konstitusyon, maparalisa o tuluyang bumagsak ang gobyerno, humantong sa civil war at makialam ang miliitar bilang tagapagtanggol ng Konstitusyon at isailalim sa military takeover ang ‘Pinas.
Kaya para walang gulo, respetuhin na lang ng mga pro-impeachment ang desisyon ng SC, tutal ang sabi naman ng Korte Suprema ay hindi naman nila inaabsuwelto si VP Sara sa mga kaso nitong impeachment, teknikalidad sa kaso ang naging pasya nila, at puwede pa naman daw isampa uli ang articles of impeachment makalipas ang isang taon basta’t naaayon sa Konstitusyon ang gagawin ng Kamara, period!
XXX
HINDI NA NGA MAGIGISA SI VP SARA SA IMPEACHMENT PERO SI SP ESCUDERO MALAMANG MAGISA SA ISKANDALOSONG P142.7B PORK BARREL -- Kapag majority senators ang pumabor sa desisyon ng SC na huwag nang litisin ngayong taon ang mga kasong impeachment ni VP Sara ay masusunod na ang kagustuhan ni Senate Pres. Chiz Escudero na hindi magisa ng mga pro-impeachment senator at House prosecution panel ang bise presidente.
Happy na si SP Escudero diyan, pero may problem siya, dahil hindi na nga magigisa sa impeachment trial si VP Sara pero tila siya (SP Chiz) naman ang magigisa kasi sabi ni Sen. Tito Sotto, dapat daw imbestigahan ang iskandalosong P142.7 billion pork barrel na isiningit ng grupo ni SP Escudero sa 2025 national budget, boom!
XXX
HUWAG MAGHAHAMON NG SUNTUKAN KUNG HINDI KAYANG PANINDIGAN PARA HINDI NABA-BASH NG NETIZENS -- Dapat may magpayo kay acting Davao City Mayor Baste Duterte na huwag muna siyang tumunghay sa social media.
Mas lalo kasi siyang pinuputakti ng pamba-bash ngayon ng mga netizens dahil tuluyan na siyang umatras sa nakatakdang laban ngayong araw (July 27) sa boksing ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre nang magtungo ang alkalde sa Singapore.
Next time, huwag maghahamon ng suntukan kung hindi naman kaya itong panindigan para hindi naba-bash ng netizens, period!







Comments