Paghingi ng sustento para sa batang ayaw kilalanin ng ama
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 21, 2026

Dear Chief Acosta,
Bago pa man maisilang ang anak ko, naghiwalay na kami ng dati kong live-in partner. Naputol na ang komunikasyon namin at wala ng balita sa kanya. Makalipas ang ilang taon, ngayon lamang ako humingi ng sustento para sa anak namin, ngunit hindi niya kinikilala ang bata. Maaari ko ba siyang maobliga na magbigay ng sustento? – Sylvie
Dear Sylvie,
Ang mga magulang ay may likas na karapatan, gayundin ang moral at legal na tungkulin, na pangalagaan ang kanilang mga anak, tiyakin ang kanilang tamang pagpapalaki, at isaalang-alang ang kanilang pinakamahusay na interes at kapakanan. Ang awtoridad at responsibilidad na ito ay hindi maaaring ipagkait sa mga magulang; at hindi rin nila maaaring talikuran ang mga ito.
Sa kasong Richelle P. Abella, For and In Behalf of Her Minor Daughter, Marl Jhorylle Abella, vs. Policarpio Cabañero, G.R. No. 206647, 09 August 2017, sa panulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic Mario Victor F. Leonen, tinalakay ng ating Korte Suprema na upang maging karapat-dapat sa legal na suporta, dapat maipakita o mapatunayan sa tamang aksyon ang filiation o relasyon ng bata, kung siya ay hindi tinatanggap o kinikilala ng pinaniniwalaang ama:
“Filiation must be established for a child to claim support from a putative father. When ‘filiation is beyond question, support follows as [a] matter of obligation.’ To establish filiation, an action for compulsory recognition may be filed against the putative father ahead of an action for support. In the alternative, an action for support may be directly filed, where the matter of filiation shall be integrated and resolved.
To be entitled to legal support, petitioner must, in proper action, first establish the filiation of the child, if the same is not admitted or acknowledged. Since Dolina’s demand for support for her son is based on her claim that he is Vallecera’s illegitimate child, the latter is not entitled to such support if he had not acknowledged him, until Dolina shall have proved his relation to him. The child's remedy is to file through her mother a judicial action against Vallecera for compulsory recognition. If filiation is beyond question, support follows as matter of obligation. In short, illegitimate children are entitled to support and successional rights but their filiation must be duly proved.”
Alinsunod sa talakayan sa nasabing kaso, ang filiation ay dapat munang mapatunayan upang ang isang bata ay magkaroon ng karapatang humingi ng suporta mula sa kanyang pinaniniwalaang ama. Kapag napatunayan na ang filiation, ang pagbibigay ng sustento ay kusang susunod bilang isang obligasyon. Para maipakita/ma-establish ang filiation ng iyong anak, maaari kang magsampa ng aksyon para sa compulsory recognition laban sa itinuturong ama bago ang aksyon para sa suporta. O kaya naman, maaaring direktang isampa ang isang aksyon para sa suporta, kung saan ang usapin ng filiation ay maaaring isama at lutasin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments