top of page

Virology at Vaccine Institute, maitatatag na sa ‘Pinas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 12 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 26, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Ngayong naipasa na ang Republic Act No. 12290, na ako mismo ang principal author at co-sponsor, pormal na nating itatatag ang Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP) sa ilalim ng Department of Science and Technology. Sa madaling salita, meron na tayong sariling pambansang sentro para sa advanced virology at vaccine research.


Sabi ko nga, hindi tayo puwedeng laging umaasa sa ibang bansa pagdating sa bakuna at gamot. Kailangan nating palakasin ang ating sariling kakayahan para masiguro ang kalusugan ng bawat Pilipino. Ang totoo, kung may natutunan tayo sa COVID-19 pandemic, ito’y ang hirap ng umaasa lang sa imported na bakuna.


Kaya sobrang importante ng VIP. Dito magsasama-sama ang pinakamagagaling nating siyentipiko para mag-research tungkol sa mga virus — hindi lang sa tao kundi pati na sa hayop at halaman. Magkakaroon tayo ng high-level labs, virus gene bank, at sariling teknolohiya para sa diagnostics, vaccines, at therapeutics.


Ang ibig sabihin, kung may bagong banta ng sakit, mas mabilis tayong makakakilos at hindi na tayo kailangang umasa sa iba. Matagal nang panawagan ito ng ating mga eksperto. Ngayon, may batas na para rito. Ang hamon, masiguro na maipatupad ito nang maayos at may sapat na pondo.


Tuluy-tuloy ang ating laban para sa isang mas maayos at handang sistema ng kalusugan. Hindi ito simpleng proyekto — ito ang susi para hindi na tayo muling mabigla kapag may bagong banta sa ating kalusugan. 


Samantala, noong September 21, dumalo ako sa Pray for the Philippines gathering sa Davao City para ipagdasal ang kalusugan, kaligtasan at kalayaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ipinagdasal din natin sa naturang prayer rally na maputol na ang systemic corruption ng gobyerno. Malinaw kong inihayag sa ating mga kababayan: hangga’t hindi natutumbok ang tunay na mga nasa likod ng korupsiyon sa bansa, tuluy-tuloy lang ang ganitong bulok na sistema. 


Noong nakaraang linggo, umabot ang aking Malasakit Team sa mga komunidad sa grassroots para tuluy-tuloy na magbigay ng kinakailangang tulong. Agad naming naabutan ng ayuda ang pitong biktima ng sunog sa Malitbog, Southern Leyte; 50 sa Caloocan City; 309 sa Bacolod City; at 99 sa Cebu City.


Nagbigay din kami ng karagdagang suporta sa mga biktima ng iba’t ibang uri ng kalamidad gaya ng bagyo at biglaang pagbaha. Tumulong kami sa 168 biktima sa Tarragona at 41 sa Banaybanay, Davao Oriental; 109 sa Plaridel, Misamis Occidental; at 19 sa New Corella, Davao del Norte.


Nagpaabot din kami ng dagdag na tulong sa 72 biktima ng sunog sa Cagayan de Oro City at 14 sa Davao City. Tumanggap din ang mga benepisyaryo ng pinansyal na tulong mula sa pambansang pamahalaan para muling maipatayo ang kanilang mga tahanan.


Noong nakaraang linggo rin, dinaluhan ng Malasakit Team ang ika-25 anibersaryo ng pagiging lungsod at ang Talakudong Festival sa Tacurong City, Sultan Kudarat, pati na rin ang ika-50 anibersaryo ng Institute of Integrated Electrical Engineers of the Philippines, Inc. (IIEE) kasama si National President Alberto Herrera sa Quezon City.


Tandaan natin, minsan lang tayo daraan sa mundong ito. Kung anumang kabutihan o

tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito.


Bilang inyong Senator Kuya Bong Go, patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat habang kaya ng aking katawan at oras dahil bisyo ko na ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page