Video, inilabas ni Robin… SEN. BONG GO AT IPE, NAG-50-50 HABANG SAKAY NG CHOPPER
ni Julie Bonifacio - @Winner | August 20, 2021

Todo-explain si Robin Padilla sa mala-open letter na caption niya sa ipinost na video sa kanyang Instagram account last Wednesday.
Ipinakita sa video ang tila nag-emergency landing na helicopter sa isang lalawigan. Pagkatapos ay makikita sa video ang akor na si Phillip Salvador na nagsasalita sa harapan ng kamera habang nakasakay sa yate.
"God is so good! Buhay kami nina BG! Muntik na kami sa chopper," sabi ni Phillip sabay kaway niya sa kamera.
Sakay pala ng helicopter na tila nag-emergency landing si Kuya Ipe (tawag sa kanya sa showbiz) at si Sen. Bong Go.
Sa umpisa ng caption ni Robin sa kanyang IG story ay nagpasalamat din sa Diyos ang mister ni Mariel Rodriguez at iniligtas daw sa kapahamakan ang kanyang mga kaibigan na sina Sen. Bong Go at Kuya Ipe. After that, inumpisahan na ni Robin magpaliwanag kung bakit ganoon na lang ang suporta at paniniwala niya kina Sen. Go at Pres. Rodrigo Duterte.
"May mga malalapit sa akin ang nagtatanong at nagsasabi, ano raw ba ang napapala ko sa pagiging kaibigan ni Senator Bong Go at ng mahal na Pangulo-Mayor Duterte. Nagkakapera raw ba ako?
"NEVER akong kumita sa kanila at wala akong negosyo lalo sa gobyerno.
"Baka nagkaposisyon daw ako? Ako'y inalok pero hindi ko tinanggap dahil hindi ako handa na iwan ang pamilya ko at ang trabaho ko sa showbiz.
"Ano'ng dahilan bakit tapat at ipinagtatanggol ko sina SBG at PRRD?
"Tapat ako dahil kilala ko sila bilang kaibigan. Ipinagtatanggol ko sila dahil hindi pa ako nakakilala ng mga public servants na katulad nila kung magtrabaho at magserbisyo. Lalahatin ko na po, wala silang katulad, wala silang yabang sa katawan, sila pa mag-opo at po, kapag may nabalitaan sila na kalungkutan o karamdaman, sila pa ang tatawag at mangungumusta, hindi nakakalimot na magpadala ng isdang tuna dahil paborito ng nanay ko at grape fruit galing Davao para kay Maria Isabela. Wala pa akong nakilalang ganyan sa mundo ng pulitika," paliwanag ni Robin.
At higit sa lahat, man of action daw si Sen. Bong Go.
"Kaya kami bilib d'yan ni Kuya Ipe, hindi 'yan takot mamatay basta't nagseserbisyo siya," diin niya.
Dugtong pa ni Robin "'Yan nangyari sa Basilan na namuntikanan sila ni Kuya Ipe, hindi na 'yan bago, nangyari rin sa amin 'yan papunta ng Marawi. Ibang sitwasyon nga lang, zero visibility naman dahil sa ulap, walang makita 'yung piloto, ayaw nang tumuloy. Ano'ng sabi ni SBG sa piloto? 'Kapitan, inaantay po ako ng tao du'n, dagdagan mo lang po ng konting tapang, sigurado, makakarating tayo po.' Sa awa ng Panginoong maylikha, nagkaroon din ng butas sa makapal na ulap at naka-landing kami."
Pinusuan naman ng ibang netizens ang IG post ni Robin at nagpasalamat din sa Maykapal for keeping Sen. Bong, Robin, Kuya Ipe and Pres. Digong safe.
"Alam po ng Diyos na kailangan pa ng Pilipinas ang mga taong may busilak na puso gaya ni Tatay Digong at Bong Go, at kaya safe pa kami sa Davao kasi nasa amin pa si Mayor Sara," sey ng isang DDS.
Pero may nang-bash din kay Sen. Bong Go, "Pagmasdan n'yong maigi ang mga future leaders ng ating bansa. 'Pag 'di natin inayos ang boto natin sa eleksiyon, OMG!"
"Pati helicopter, pagod na sa mga 'toh."
"Totoo namang maalalahanin si Bong Go. Nagpadala ng bulaklak bilang pakikiramay sa isang kakilala kong namatayan, 'yun pala, mag-eeleksiyon kasi. Haha!"
Incidentally, wedding anniversary pala nina Robin at Mariel Rodriguez kahapon. Binati ni Mariel si Robin sa kanyang Instagram with matching post ng mga larawan ng kanilang sweet moments.
Caption ni Mariel, "11 years, I’d still choose you @robinhoodpadilla. Happy anniversary."
Nag-post naman ng pagkakilig si Robin sa mensahe ni Mariel sa kanya, "Sarap naman babe."
'Yun na!





Comments