top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Variant ng MPOX sa ‘Pinas, hindi dapat katakutan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 2, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 2, 2025



Boses by Ryan Sison

Dahil sa mga naging karanasan natin noong panahon ng pandemya, marami sa atin ang tila nababahala sa ulat na pagtaas umano ng mga kaso ng monkeypox o mpox sa bansa, pero dapat nga ba tayong mangamba tungkol dito? 


Mariing itinanggi ng Department of Health (DOH) ang mga kumakalat na maling impormasyon sa social media hinggil sa umano’y pagpapatupad ng lockdown sa bansa dahil sa mpox. 


Batay sa kagawaran, wala silang nakikitang dahilan para magpatupad ng lockdown dahil ang mpox ay hindi naipapasa sa hangin gaya ng COVID-19, kundi sa close contact o skin-to-skin transmission. 


Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, hindi totoo ang sinasabing pagdami ng kaso nito noong Mayo 2025. Iginiit niya na mas mataas ang naitalang mpox cases noong Abril 2025 at mas higit noong 2024. Isang dahilan kung bakit tila mas tumampok sa balita ang mpox ay ang mas aktibong pag-uulat ngayon ng mga lokal na pamahalaan. Mula pa noong 2024, umabot na sa 911 mpox cases ang naitala sa bansa. Noong Setyembre 2024, may humigit-kumulang 200 kaso nito, subalit mas mababa sa 20 lamang ang kumpirmado. 


Sa kasalukuyan, wala pang 50 mpox cases ang naitala nitong Mayo, mas mababa kumpara sa mahigit 50 noong Abril. 


Sa kabila ng mga report, nilinaw ng DOH na ang variant ng mpox na tumama sa bansa ay ang Clade II, isang mas banayad na uri kumpara sa Clade I-b, na mas mataas ang tsansa ng pagkamatay. 


Ang Clade II ay may mortality rate na 1 sa bawat 10 indibidwal, samantalang sa Clade I-b ay maaaring mamatay ang 4 hanggang 5 sa bawat 10 indibidwal. 


Hinimok naman ni Domingo ang publiko na pumunta lamang sa official social media accounts ng DOH para sa mga tamang impormasyon. Pinaalalahanan din niya ang mga LGU na makipag-ugnayan sa kagawaran upang matiyak na ang mga ipinatutupad na health protocols ay nakaayon sa kung paano talaga kumakalat ang sakit. 


Marahil, ang mabilis na pagkalat ng maling impormasyon ang mas nakakatakot kaysa sa mismong sakit. 


Kaya mas mahalagang may alam at batid natin ang totoong impormasyon bago ipakalat o magbigay ng anumang reaksyon. 


Kung tutuusin, hindi sagot ang lockdown laban sa sakit na ito, mas mainam na tutukan ang tamang edukasyon, epektibong contact tracing, at malinaw na komunikasyon sa pagitan ng DOH at LGU. 


Ang pagsusuot ng face mask ay maaari pa ring gawin bilang karagdagang pag-iingat, subalit mas mahalaga ang pag-unawa sa tunay na kalikasan ng sakit. 


Sa panahon ng digital na mundo, maging mapanuri at responsable tayo sa lahat ng impormasyon — huwag basta maniwala lalo’t matakot, dahil ang takot ay hindi kailanman lunas sa sakit bagkus nagpapalala pa sa ating sitwasyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page