Vaccine card, hindi kailangan upang makapag-aral
- BULGAR
- Aug 12, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 12, 2022
Dear Chief Acosta,
Malapit na magsimula ang panibagong pasukan ng mga mag-aaral. Mayroon akong dalawang anak, ang isa ay nasa elementarya, habang ang isa nama'y magkokolehiyo na. Usap-usapan sa group chat ng mga magulang na baka diumano ay kailanganin na mayroong vaccine card ang mga mag-aaral upang sila ay makapag-enroll. May mandato ba sa batas kaugnay dito? Hindi kasi ako kampante na magpabakuna, lalo na ang mga anak ko kung wala namang kasiguruhang epektibo ito. Sana ay mapayuhan ninyo ako. - Raniel
Dear Raniel,
Ang katawan ng tao ay sagrado sapagkat ang bawat isa sa atin ay nilikha ng Maykapal. Kung kaya’t ang may-ari lamang ng katawan ang maaaring magdesisyon para sa kanyang sarili, kung ano ang sa tingin at loob niya ay makabubuti para sa kanya.
Ang anumang pagpapabukana, kabilang na ang para sa COVID-19 virus ay dapat gawin nang bukal sa loob at batay sa boluntaryong desisyon ng bawat isa sa atin. Nais naming bigyang-diin na hanggang sa kasalukuyan ay walang batas na nagmamandato sa kaninuman na magpabakuna laban sa COVID-19 virus. Ang malinaw na nakasaad sa batas ay hindi maaaring gawing rekisito ang pagpapabakuna para sa pag-aaral, para sa pamamasukan o employment at para sa mga transaksyon na gagawin sa alin mang tanggapan o sangay ng ating gobyerno. Para sa kaalaman ng lahat, nakasaad sa Paragraph 2, Section 12 ng Republic Act No. 11525, o mas kilala bilang “COVID-19 Vaccination Program Act of 2021” na
“xxx Provided, further, That the vaccine cards shall not be considered as an additional mandatory requirement for educational, employment and other similar government transaction purposes.” (Binigyang-diin)
Kung kaya’t magkakaroon ng paglabag ang anumang paaralan o institusyon ng edukasyon na magpapataw ng rekisito nang pagkakaroon ng vaccine card sa mga mag-aaral na nais makapag-enroll. Ang sinumang mag-aaral na makikitil ang karapatang makapag-aral dahil sa isyu ng hindi pagpapabakuna, na kuwalipikado sa aming serbisyo alinsunod sa aming 2021 Revised PAO Revised Operations Manual ay maaaring dumulog sa pinakamalapit na sangay ng aming opisina sa kanilang lugar upang mabigyan ng agarang legal na tulong.
Nais din namin bigyang-diin na ang pagkakaroon ng bakuna laban umano sa sakit na COVID-19 ay hindi garantiya ng immunity mula sa naturang sakit. Ito ay malinaw din na nakasaad sa ating batas
“Individuals vaccinated against COVID-19 as indicated in the vaccine card shall not be considered immune from COVID-19, unless otherwise declared by the DOH based on reliable scientific evidence and consensus.” (Paragraph 3, Section 12, Id)
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring magbago ang aming payo kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments