Utol, nabuntis daw kasi… ARA, IBINUKING NA BIGLAAN LANG ANG KASAL NINA CRISTINE AT ALI
- BULGAR

- 13 hours ago
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | June 24, 2026

Photo: FB Ara Mina
Nagbigay ng update si Ara Mina tungkol sa paghahanda sa kasal ng kapatid na si Cristine Reyes.
Nakapanayam ang aktres nang dumalo ito sa grand opening ng Startista Gallery sa Star City kamakailan, kung saan may statue rin siyang naka-display.
Ayon kay Ara, malaki na ang nabago kay Cristine ngayong papasok na naman siya sa panibagong yugto ng buhay bilang may asawa.
Aniya, “Malaki na, eh. Saka siguro very careful na s’ya. ‘Yung ano naman kasi, nu’ng una, ‘di talaga prepared, eh.”
Ibinuking ni Ara na biglaan ang kasal noon nina Cristine at Ali Khatibi dahil buntis na noon ang kanyang sister.
Well, inaasahan niyang makukumpleto ang buong pamilya nila sa pagkakataong ito.
“Saka, ‘di kami kumpleto nu’n. Wala ‘yung mommy ko, daddy ko. Dalawa lang kaming nandu’n (ni Cristine) na present.”
Well, para kay Ara Mina, hindi niya ito masyadong naramdaman bilang kasal dahil hindi kumpleto ang kanilang pamilya.
Ayaw makasira ng buhay… CRISTINE, 2 BESES TUMANGGING MAG-ENDORSO NG ONLINE SUGAL
SPEAKING of Cristine Reyes, nakapanayam ni Bianca Gonzalez kamakailan ang aktres at naitanong sa kanya kung may proyekto ba siyang tinanggihan na kanyang pinagsisihan.
Ayon sa aktres, dalawang beses siyang inalok na mag-endorso ng online gambling companies ngunit pareho niya itong tinanggihan.
Sinabi niyang wala siyang pinagsisisihan sa pagtanggi sa mga naturang alok.
Ikinuwento niya na noong bata pa siya, may malapit sa kanilang pamilya na nag-asawa ng isang sugarol.
Ayon kay Cristine, nakita niya kung paano nagbago ang buhay ng pamilyang iyon mula sa pagiging mayaman hanggang sa paghihirap dahil sa matinding pagkalulong sa pagsusugal.
Dahil sa karanasang iyon, nabuo ang kanyang paniniwala na ayaw niyang maging bahagi ng anumang maaaring makahikayat sa ibang tao na magsugal online.
Aniya, naiisip niya ang mga pamilyang maaaring maapektuhan at ang mga anak na maaaring magdusa kapag nagkaroon ng problema.
Nabanggit din ni Bianca na katulad ni Cristine, tinanggihan din ni Coco Martin ang alok mula sa isang online gambling company dahil hindi ito naaayon sa kanyang mga prinsipyo. Ayon kay Coco, kahit inalok siya muli ng mas malaking halaga, nanindigan pa rin siya sa kanyang desisyon.
Well, sa kaso ni Cristine Reyes, nang makatanggap siya ng pangalawang alok mula sa ibang online gambling company, ipinaalala niya na tinanggihan na niya ang unang alok at nanatili siyang tapat sa kanyang paninindigan.
After kumalat ang pictures nila… SAM, INAMI NA ANG TOTOONG RELASYON KAY FAITH
NILINAW ni Sam Verzosa ang relasyon niya kay Faith da Silva matapos lumabas kamakailan ang mga larawan nilang magkasama sa ilang public events.
“May mga lumabas din sa internet kasi nga may mga pictures na naman. But we’re just friends lang talaga. ‘Di ito showbiz, pero kaibigan lang, eh,” pahayag ni Sam sa Fast Talk with Boy Abunda.
“I respect her. I’ve known her for more than 5 years, eh. Recently lang kami nagkita uli sa isang event, tapos nagkakuwentuhan ulit kami,” pakli ni Sam.
“Actually, may pagka-mentor pa nga ang dating kasi sabi n’ya, ‘Hoy, Sam, alam mo ba na itinuro mo sa akin five years ago ang manifesting? How you pray sa dream mo every morning? I did that.’ And now it all happened to her na,” dagdag pa ng celebrity- businessman.
Ano’ng pangarap naman kaya ng aktres ang natupad?





Comments