Utol, dinededma lang daw nila, nagalit... ROBIN, UMAMING OKS NA ULI SILA NI BB
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | July 13, 2021

Mabuti naman at nagkaayos na pala ang magkapatid na Robin Padilla at BB Gandanghari. Ito ang mismong ibinalita ng action star sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz para sa YouTube vlog nito.
Ayon kay Binoe, bumabalik na sa dati ang kanilang relasyon at inamin niyang talagang nagulantang silang lahat sa paandar ng kapatid.
“Medyo maraming paandar si BB na nagulat kaming lahat, eh. Tumambling kaming lahat ng 3 tambling, eh. Ano ba'ng nangyari rito sa isang ‘to?” natatawang sabi ni Binoe.
Pero okay na raw sila ngayon dahil nagkausap sila kamakailan nang mamatay ang isa nilang kapatid na siRoyette Padilla at naayos na ang lahat.
Balak nga raw niyang regaluhan ng aso si BB dahil namatay ang alaga nitong si Imman at iyak daw ito nang iyak.
“Kung umiyak si BB, ibang klase, eh. May tono, eh,” sey ni Robin at ginaya pa ang pag-iyak ng kapatid na parang asong umaatungal.
Matatandaang last year ay naglabas ng sama ng loob si BB sa kanyang pamilya, partikular na kay Robin, dahil hindi raw siya iniintindi ng mga ito especially during those times na may pinagdaraanan siya. As we all know ay matagal nang naninirahang mag-isa sa US si BB.
Ayon kay Binoe, akala raw niya ay masaya na ang kapatid sa pinili nitong landas at hindi naman daw nila alam na may pinagdaraanan ito.
“'Yun naman ang lagi kong sinasabi sa kanya, '‘Tol, ‘yung pinili mong landas, kahit sino sa amin, hindi kami makaka-identify diyan kaya ‘wag kang magalit sa amin,’” sey ni Robin.
'Pag nakikita raw kasi nila ang mga posts ni BB ay parang masaya naman ito. “Naka-tanga (outfit) ka pa nga,” sambit pa ni Binoe.
“Kahit sino sa amin, hindi namin iisipin na may pinagdaraanan ka. ‘Yun lang naman kaya ‘wag kang magtatampo sa amin,” mensahe ni Binoe kay BB.
Naiintindihan naman daw nila ang mga hinaing ni BB, pero hindi rin daw dapat sila hinusgahan ng
kapatid.
“Kasi bagong tao ka sa amin, eh. Hindi namin alam ang dynamics mo ngayon. Nakikilala ka pa lang namin, umalis ka, nagpunta kang Amerika,” ani Binoe.
Humihingi naman daw siya ng patawad kay BB kung may pagkukulang man siya.
“Patawarin niya ako kung anuman ang pagkukulang ko,” saad pa ni Robin.





Comments