SK official, tapat dapat sa serbisyo, ‘di lang puro papogi
- BULGAR

- Oct 6
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | October 6, 2025

Ang pribilehiyo ay tamang ibigay sa mga totoong naglilingkod, hindi sa mga nagpapa-picture lang sa proyekto na mga opisyal ng gobyerno.
Kaya naman ang desisyon ng Civil Service Commission (CSC) na bigyan ng civil service eligibility ang mga Sangguniang Kabataan (SK) official na nakatapos ng buong tatlong taong termino ay isang magandang hakbang.
Ang hakbang na ito ay hindi parangal, kundi patunay na dapat ding may direksyon ang kabataang tumahak sa pampublikong serbisyo.
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2500752, na epektibo sa Oktubre 4, 2025, ang Sangguniang Kabataan Official Eligibility (SKOE) ay maaaring makuha ng mga kuwalipikadong SK members, secretaries, at treasurers na nagsilbi nang buo sa ilalim ng Republic Act No. 11768 o SK Reform Act of 2015.
Saklaw din ang mga nagsilbi noong 2018 hanggang 2022 na nakatapos ng kanilang
termino.
Ang SKOE ay para sa first-level government positions, maliban sa mga trabahong may sariling board exams o ibang special eligibilities.
Hindi kabilang dito ang mga SK chairperson dahil sila ay saklaw na ng Barangay Official Eligibility (BOE), na umiiral mula pa noong 2012.
Nilinaw din ng CSC na ang mga bibigyan lang ng eligibility ay ang mga hindi kaanak hanggang ikalawang antas o second civil degree ng sinumang halal na opisyal sa kanilang lugar — isang paalala na hindi dapat maging negosyo ng pamilya ang serbisyo-publiko.
Ayon pa sa kagawaran, maaaring mag-apply para sa SKOE ang mga kuwalipikadong opisyal simula Oktubre 4 sa regional o field office ng CSC na may sakop sa barangay kung saan sila nanunungkulan. Ngunit kasabay nito, malinaw na babala rin —anumang maling aplikasyon o pandaraya ay may katapat na pagbawi ng civil service eligibility.
Sa dami ng mga kabataang sumabak sa SK, hindi lahat ay masasabing seryoso sa kanilang tungkulin. Kaya marapat na ang gantimpala ay para sa mga tapat sa kanilang paglilingkod, at hindi sa mga gustong magka-certificate lang.
Ang sertipikasyon na ito na kaakibat ng batas ay paalala na hindi natatapos ang pagiging lider sa barangay session hall — ito ay pagsisimula ng mas mabigat na responsibilidad.
Kung seryoso ang kabataang opisyal sa serbisyo-publiko, ito na ang pagkakataon para patunayan na kaya nilang magtrabaho ng maayos, karapat-dapat sa loob ng gobyerno, at hindi lang sa harap ng kamera.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments