Uso ngayon ang multo, pero mas nakakatakot ang ghost projects ng mga kurakot!
- BULGAR
- 3 hours ago
- 2 min read
ni Imee Marcos @Imeesolusyon | September 10, 2025

Ayan, simula na ng Ber months! Pero bago tayo magbalot ng mga regalo, let’s unwrap muna ang happenings, besh!
Ghost Month ngayon, uso na naman ang mga multo. Pero ang mas nakakatakot? Hindi mga ligaw na espiritu, kundi ghost projects ng mga kurakot!
Iniimbestigahan na ang kontrobersyal na flood control projects na ‘yan sa Senado. Ang daming pondo, ang daming approved, pero hanggang ngayon, nganga! Binabaha pa tayo nang bongga!
Kung ‘yung mga multo, marunong magparamdam, itong ghost projects ng mga korap, kahit anino hindi makita.
Saan kaya nila dinala ang pera? Baka kung mag-Spirit of the Glass tayo, hindi ‘yung kaluluwa ang magparamdam kundi BIR, COA at galit ng taumbayan!
Ayon sa datos, dahil sa mga ghost projects na ‘yan, nalugi ang ekonomiya ng P42.3 bilyon hanggang P118.5 bilyon mula 2023 hanggang 2025. ‘Yan ang tunay na horror story! Only in the Philippines, beshie!
Kaya ito lang ang malinaw na pangako ko: itutuloy natin ang imbestigasyon. Kung sino man ang sangkot, dapat managot. Walang lusot, dapat maparusahan!
Sa nalalapit na deliberasyon ng 2026 national budget, sisiguraduhin nating walang maisisingit na kalokohan. Bubuksan natin ito sa publiko — dahil pera ninyo ‘yan, dapat kayo rin ang may boses kung saan mapupunta.
At mga beshie, for the nth time, kalampagin na natin ang DPWH at iba pang ahensya — gumawa na ng matinong National Flood Control Masterplan! Now na! ‘Wag na magsayang ng oras at pera! Tama na ang mahigit P100B na lugi ng bansa dahil sa mga multong proyekto na ‘yan!
Sundin ang masterplan -- hindi ang pasingit-singit na insertions ng mga congressman, small committee, bicam at iba pang kababalaghan!
Alam ko Ghost Month ngayon pero ‘wag naman nating gawing multo pati ang hustisya!