LGU’s at DepEd, kakambal sa pagtugon sa kakulangan para sa edukasyon
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 12, 2026

Noong nakaraang linggo, nagsagawa ang Senate Committee on Finance ng isang pagdinig, kung saan tinalakay natin kung paano gagastusin ng sektor ng edukasyon ang makasaysayang pondong inilaan para sa kanila.
Matatandaang para sa taong ito, naglaan tayo ng P1.3 trilyong pondo para sa sektor ng edukasyon na katumbas ng 4.4% ng Gross Domestic Product (GDP). Ito na ang pinakamataas na pondong inilaan natin para sa sektor, at ang unang pagkakataon na nasunod natin ang rekomendasyon ng UNESCO na maglaan ng apat hanggang anim na porsyento ng GDP para sa edukasyon.
Sa ginawa nating pagdinig, binigyang-diin natin ang mahalagang papel ng ating mga local government units (LGUs) upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga programa para sa edukasyon. Isa sa mga programang ito ang pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Matatandaang sa ilalim ng 2026 national budget, naglaan tayo ng P67.9 bilyon na layong gamitin para sa 24,000 na mga bagong silid-aralan. Maliban sa paglalaan ng mataas na halaga, tiniyak din nating matutulungan natin ang Department of Education (DepEd) na mapabilis ang pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan.
Kaya naman sa ilalim ng 2026 national budget, nakasaad sa isang special provision na maaaring pumasok ang DepEd sa memorandum of agreement kasama ang iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang mga LGU. Maaari ring magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng DepEd at ng mga katuwang sa mga civil society organizations at non-governmental organizations.
Kung sabay-sabay na kikilos ang mga LGUs, mas marami tayong maipapatayong mga silid-aralan at mapupunan natin ang kakulangan sa mga pasilidad na ating kinakaharap. Kung ating babalikan, umabot na sa 147,000 ang kulang nating mga silid-aralan noong Hulyo 2025.
Isa rin sa mga programa kung saan malaki ang papel na gagampanan ng ating mga LGUs ay ang School-Based Feeding Program, kung saan naglaan tayo ng P25.6 bilyon upang suportahan ang mga mag-aaral na humaharap sa kakulangan sa nutrisyon. Magiging saklaw ng programa lahat ng mga mag-aaral mula Kindergarten at Grade 1. Patuloy ding susuportahan ng programa ang mga wasted, severely wasted, stunted, at severely stunted na mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6.
Ilan lamang ito sa mga mahahalagang programa kung saan mahalagang papel ang gagampanan ng ating mga LGUs. Ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon at paghahatid nito sa bawat mag-aaral ay tungkulin ng bawat komunidad. Kaya naman patuloy na makikipagtulungan ang inyong lingkod sa ating mga katuwang sa gobyerno at pribadong sektor, upang tiyaking walang mag-aaral na Pilipino ang mapag-iiwanan pagdating sa dekalidad at abot-kayang edukasyon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments