top of page
Search
  • BULGAR

Uso na naman ang Dengue, isyu na naman ang Dengvaxia

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 23, 2022


Ayon sa pagsusuring isinagawa ng Social Weather Stations, 83% ng mga Pilipino ay umaasang tapos na ang masasamang araw hinggil sa COVID-19. Tulad sa ibang bansa, ang saloobin ay “Nand’yan na ‘yan, kaya tanggapin na lang”. Pero marami ang nangangambang makapitan ng COVID at magkasakit, kaya marami pa rin ang sumusunod sa pagsusuot ng face mask kapag lumalabas ng bahay.


Hindi mahirap pagsabihan ang mga Pinoy, hindi tulad sa mga Amerikano na ang tingin sa pagsusuot ng face mask ay paglabag sa kanilang kalayaan. Kailangang itulak ang pagbabakuna pati ang mga booster. Mabuti naman at marami na ang nagtitiwala sa bakuna kontra COVID. Tandaan, marahil ay hindi pa tapos lumikha ng bagong variants ang nasabing virus.


Sa kabila nito, dumarami ang mga kaso ng dengue sa bansa. Nagtala ng 65,190 kaso ngayong 2022. Ayon sa Department of Health, mas mataas ito ng 83% kumpara noong nakaraang taon, kung saan 274 ang namatay. Hindi dapat dinidedma ang bilang na ‘yan. Hindi biro ang sakit na ito, na dulot ng kagat ng lamok, baka dahil sa pag-aalala sa COVID, nakalimutan natin ang dengue.


Kaugnay nito, kapag napag-uusapan ang ‘dengue’, malamang na nababanggit ang Dengvaxia, tulad ngayon, kaka-search lang ulit natin sa internet. Tanging Pilipinas lamang ang nagkaroon ng problema o kontrobersya sa nasabing bakuna — wala nang iba.


Aprub na ang Dengvaxia sa America at Europe, pati sa mga bansa sa South America at maging sa ilang bansa sa Asya, tulad ng Singapore. Ayon sa isang eksperto sa Infectious Diseases, epektibo ang Dengvaxia kung wasto ang paggamit, tulad ng mga bakuna laban sa COVID, hindi garantisadong hindi magkakasakit pero matitiyak na hindi seryoso o mapanganib ang kondisyon ng pasyenteng nabakunahan. Ayon pa sa ulat, upang maging epektibo, kailangang nagkaroon na ng dengue noon upang tumalab ang nasabing bakuna. Ito ang hindi maipaliwanag agad ng Sanofi Pasteur, kaya ginatungan ang isyu.


Sayang nga’t napulitika nang husto ang Dengvaxia, baka nabigyan ng sapat ng proteksyon at hindi namatay ang mga biktima. Samantala, may mga tumututol pa rin sa pagbalik ng bakuna sa bansa. Siyempre, hindi nila babaguhin ang kanilang katayuan sa isyu. Pero kung titingnan sa mga mata ng dalubhasa o eksperto, epektibo ang Dengvaxia. Tanging bakuna lang ang maaaring ilaban sa virus. Kaya kung may kulang pa sa bakuna, lalo na ang mga bata, magpabakuna na sa lalong madaling panahon. Kasama riyan ang bakuna kontra tigdas.


Gayundin, dumami ang kaso ng tigdas dahil marami ang nangambang magpabakuna dahil sa kontrobersya ng Dengvaxia. Sana, muling pag-aralan ang pagpasok ng Dengvaxia sa bansa, na sa ngayon ay ‘yan lang ang tanging bakuna laban sa dengue. Kung ginagamit ito ng ibang bansa na walang kontrobersya, bakit hindi rin nating gamitin sa ating bansa? Pero siyempre, nang may sapat na kaalaman.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page