ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 11, 2024
Ayon sa 2024 survey ng Social Weather Stations (SWS), kalahati umano ng mga Pilipino ang pumabor sa diborsyo bilang opsyon sa mga mag-asawa na ‘irreconcilably separated’.
Lumabas din sa survey na 31 percent ang hindi pabor sa diborsyo, habang 17 percent naman ang undecided sa isyu.
Ang 50 percent na pabor sa divorce ay mas mababa kumpara sa 55 percent noong June 2023 at 65 percent noong March 2023.
Lumabas din sa survey ang net agreement score na +19, na maituturing na ‘moderately strong’ bagama’t nakapagtala ng pagbaba mula sa +27 net agreement score sa June 2023 survey ng SWS sa legalisasyon ng diborsyo sa bansa.
Ayon pa sa SWS, malakas ang net agreement score sa mga taong may live-in partner kumpara sa iba pang demographic tulad ng hindi pa kasal, balo, hiwalay at may-asawa.
Mataas ang pagpabor sa diborsyo sa Metro Manila, na sinusundan sa Balance Luzon (bahagi ng Luzon pero sa labas ng Mega Manila), Visayas, at Mindanao.
Pasado na sa Kamara de Representantes ang panukalang legalisasyon ng diborsyo pero sa Senado ay may pagkakahati-hati rin.
Sa dinami-rami ng pabor at sa dinami-rami rin ng ayaw ay mas makabubuting hayaan nating makarating sa Senado ang usapin at bigyan ng pagkakataong pagdebatehan upang tumining at lumutang ang talagang desisyon — lalo pa at hating-hati ang lahat.
Medyo may kabigatan ang usaping ito dahil tiyak na aalma ang nasa kabilang panig pabor man o hindi at inaasahang maglalabasan ang santambak na katuwiran para maitaas lamang ang kanilang panig.
Ngayon pa lamang ay pinakikiusapan na natin ang publiko na maging mahinahon sa magiging resulta dahil dapat natin na tanggapin sa ating loob pabor man sa gusto natin o hindi dahil hindi naman ito basta pinili lang.
Tiyak na daraan ito sa katakut-takot na argumento at pagtatalunan ito ng mga mambabatas upang patunayan ang mabuti at masamang dulot nito na sa huli ay hahantong din sa botohan na lalahukan ng mga ibinoto ninyong senador.
Anuman ang maging resulta ay wala na tayong magagawa dahil hindi naman ito dedesisyunan tungo sa ikasasama ng bawat isa kundi palaging sa kapakanan ng taumbayan.
Dapat kalmante lamang ang lahat, lalo na ang mga relihiyon sa bansa na tutol sa diborsyo tutal malaki naman ang tsansa dahil maging ang resulta ng SWS survey 50-50 ang mga Pinoy — pabor at hindi pabor ganoon din sa Senado, kaya maganda ang laban na ito.
Para sa akin ay hindi naman tamang ang pinagsama ng langit ay basta na lamang paghihiwalayin ng tao, ngunit siyempre hindi rin tama na hindi natin igalang ang desisyon ng nakararami — lalo na’t kung isa nang batas.
Madasal lang tayong gabayan ng Maykapal ang mga mambabatas upang makapagdesisyon ng tama para sa ikabubuti ng lahat.
Anuman iyon ay huwag na tayong mabahala at palagi nating isipin na dumaan ito sa masusing pag-aaral at mahabang argumento bago maging isang ganap na batas.
Sa ngayon, makabubuting palakasin na lang muna natin ang moral ng ating mga anak, lalo na ‘yung nagpaplano na magpakasal na hindi ito kaning mainit na isinubo na kapag napaso ay maaaring iluwa agad.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Commentaires