top of page
Search
  • BULGAR

USA, dinurog ang Iran Czech paghahandaan

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 29, 2021




Nabuhay muli ang kampanya ng U.S.A at dinurog ang Iran, 120-66, sa pagpapatuloy ng 2020 Tokyo Olympics Men’s Basketball sa Saitama Super Arena noong Miyerkules. Kailangan na lang ng mga superstar ng NBA na magwagi sa huling laban nila sa Czech Republic ngayong Sabado (Hulyo 31) upang makasiguro sa knockout playoffs at ituloy ang paghanap ng kanilang ika-apat na sunod na gintong medalya.


Sa first quarter pa lang ay pumokol ng tatlong tres si Damian Lillard ng Portland Trail Blazers para sa 28-12 na lamang at hindi nakaporma kahit minsan ang mga Iranian. Patuloy ang mainit ni kamay ni Lillard at dumagdag ng tatlo pang tres at kasama si Zach LaVine ng Chicago Bulls ay lamang ang Team USA sa halftime, 60-30.


Nagtapos si Lillard na may kabuuang pitong tres para sa 21 puntos sa 23 minutong paglalaro. Sumunod sina Devin Booker ng Phoenix Suns na may 16 puntos at Jayson Tatum ng Boston Celtics na may 14 puntos.


Sa panig ng Iran, nanguna si dating Memphis Grizzlies at Phoenix Suns sentro Hamed Haddadi sa kanyang 15 puntos at anim na rebound. Sinundan siya nina dating Meralco Bolts import Mohammad Jamshidi na may 14 puntos at Navid Rezaeifar na parehong may 12 puntos.


Sa unang laro, nakuha ng Alemanya ang unang panalo sa Grupo B kontra sa Nigeria, 99-92. Nanguna sa panalo ang mga sentro na sina Johannes Voightman na may 19 puntos at Moritz Wagner ng Orlando Magic na may 17 puntos upang burahin ang 33 puntos ni Jordan Nwora ng World Champion Milwaukee Bucks.


Sa torneo ng 3X3 sa Aomi Park, haharapin ng numero uno at walang talo Serbia ang #5 Russian Olympic Committee sa semifinals. Sa kabilang semis, magtatapat ang #2 Belgium at #3 Latvia.


Ginulat ng mga Russo ang Netherlands sa quarterfinals, 21-19, habang lumusot ang Latvia sa hamon ng punong abala Japan, 21-18, noong Martes ng gabi.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page