US, todo-tanggi na may Navy ship na tinamaan sa pag-atake ng Iran
- BULGAR

- May 6
- 1 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | May 6, 2026

Itinanggi ng United States Central Command ang ulat na tinamaan ang isang barko ng US Navy matapos maglabas ng pahayag ang ilang Iranian news agencies na umano’y may inatakeng sasakyang pandagat malapit sa isang pantalan sa timog-silangan ng Strait of Hormuz.
Ayon sa panig ng Iran, ang naturang barko ay umano’y lumabag sa maritime security kaya napilitang umatras. Subalit nilinaw ng US Central Command na walang anumang Navy ship ang tinamaan o nasira sa naturang insidente.
Kasabay nito, inihayag ng US military ang bagong inisyatiba na sinusuportahan ni US President Donald Trump, kung saan maaaring gamitin ang naval at air assets upang gabayan ang mga commercial vessel na dumaraan sa Strait of Hormuz. Layunin nitong matulungan ang mga barkong naipit sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
Batay sa mga ulat, ilang commercial vessel ang sinasabing inaatake o pinipigilan ng Iran kapag wala umanong pahintulot na makadaan. Dahil dito, pinapayuhan ang mga barko na dumaan sa mga katubigan ng Oman sa loob ng itinatag na “enhanced security area.”
Mariing tinutulan ng Iran ang hakbang ng Estados Unidos at tinawag itong paglabag sa umiiral na ceasefire. Samantala, iginiit naman ng U.S. na bahagi ito ng “Project Freedom” na naglalayong tulungan ang mga seafarers na naiipit sa tensyon, kabilang ang mga nakararanas ng kakulangan sa pagkain at tubig sa gitna ng sigalot.





Comments