Urgent repairs at pagrenta
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 20, 2021
Dear Chief Acosta,
Nangungupahan kami ng bahay sa halagang P20, 000 kada buwan para sa isang taon. Napag-alaman naming may sira ang mga tubo sa kusina ng bahay at tatagal ng 50-araw ang pag-aayos nito. Sa panahon ng pag-aayos, hindi namin maaaring gamitin ang kusina ng bahay. Sinabihan kami ng landlord na nararapat diumanong ayusin agad ang mga tubo sapagkat maaaring masira ang mga ito at ang buong flooring ng bahay, at siya na diumano ang magpapaayos nito. Subalit, hindi siya pumayag na bawasan ang kabayaran ng aming pagrenta. May batas bang sumasaklaw sa sitwasyon na ito? – Evalyn
Dear Evalyn,
Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Article 1662 ng New Civil Code of the Philippines, kung saan nakasaad ang mga sumusunod:
“Article 1662. If during the lease it should become necessary to make some urgent repairs upon the thing leased, which cannot be deferred until the termination of the lease, the lessee is obliged to tolerate the work, although it may be very annoying to him, and although during the same, he may be deprived of a part of the premises.
If the repairs last more than forty days the rent shall be reduced in proportion to the time - including the first forty days - and the part of the property of which the lessee has been deprived.
When the work is of such a nature that the portion which the lessee and his family need for their dwelling becomes uninhabitable, he may rescind the contract if the main purpose of the lease is to provide a dwelling place for the lessee.”
Malinaw na nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na kung sakaling sa kalagitnaan ng pangungupahan ay kinakailangan magkaroon ng urgent repairs sa bagay na pinauupa, na hindi maaaring ipagpaliban hanggang sa katapusan ng panahon ng pagrenta, nararapat hayaan ng nangungupahan ang pag-aayos nito, kahit pa ito ay hindi kanais-nais, at hindi niya magagamit ang parte ng inuupahan sa panahon ng pag-aayos nito. Kung lumagpas ng 40-araw ang pag-aayos, mababawasan ang kabayaran ng renta sa proportion ng panahon at parte ng inuupahan na hindi nagamit habang pinaaayos ito.
Sa inyong sitwasyon, maituturing na urgent repair ang mga sira sa tubo ng kusina sapagkat maaaring masira ang kabuuan ng flooring nito kung hindi ito agarang aayusin. Sapagkat tatagal ng higit sa 40-araw ang pag-aayos nito at hindi ninyo magagamit ang kusina sa panahon ng pag-aayos, ang kabayaran ng inyong renta ay nararapat bawasan sa proportion ng panahon at parte ng inuupahan na hindi nagamit habang pinapaayos ito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments