Uratex Dream, segunda sa 3X3 Thai Super League
ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 4, 2022

Nag-uwi ng bagong karangalan ang Uratex Dream at nagtapos ng pangalawa sa 3x3 Thai Super League Huwebes ng gabi sa Ayuthaya, Thailand. Dinaig ang mga Pinay ng Shoot It Dragons ng Thailand para sa korona, 17-11, na siya ring nag-iisang talo nila sa torneo na nilahukan ng walong koponan buhat sa limang bansa.
Binigo ng dalawang beses na kampeon ng Women’s National Basketball League (WNBL) ang mga kababayan sa Discovery Perlas sa semifinals, 20-15. Kinailangang takasan ng Uratex ang walang panalong Malaysia Rising Stars sa semifinals, 21-20, habang ginulat ng Discovery ang NK Bangkok Club ng Thailand, 16-13.
Nakabawi ang Perlas at naisalba nila ang ikatlong puwesto laban sa isa pang natalo sa semifinals na Srircha Eagle ng Thailand, 21-18. Sa ibang mga laro, napunta sa Malaysia ang ika-5 pwesto kontra Luang Prabang ng Laos, 21-12, habang ika-pito ang Bangkok matapos magwagi sa walang panalong Jumpshot ng Singapore, 21-8.
Binubuo ang Uratex ng mga pangunahing manlalaro ng bansa ayon sa FIBA 3x3 World Ranking na sina #1 Kaye Pingol, #2 Tina Deacon, #5 Alyssa VIllamor at #8 Eunique Chan. Nasa Discovery ang WNBL Most Valuable Player Allana Lim, beterana Ford Grajales at mga varsity ng Enderun Colleges sa NAASCU na sina Hazelle Yam at Misaela Larosa.
Dalawa sa manlalaro ng Shoot It ay nagwagi ng gintong medalya sa nakalipas na 31st Southeast Asian Games na sina Amphawa Thuamon at Rujiwan Bunsiprom.
Dahil sa ipinakita ng mga kinatawan, inaasahan na tataas ng puwesto ng Pilipinas sa FIBA 3x3 World Rank. Kasalukuyang ika-48 ang bansa at kailangang umabot ng ika-24 o higit pa bago ang Nobyembre, 2023 upang magkaroon ng pagkakataon na makapasok sa 2024 Paris Olympics.
Walang panahon para magpahinga ang Uratex pag-uwi at maghahanda sila para sa ika-apat na yugto ng WNBL 3x3 ngayong Hunyo 11 sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga. Sisikapin nila na mabawi ang korona na inagaw sa kanila ng Taguig Lady Generals sa ikatlong yugto noong Abril 2 sa Red Arc Gym ng Balagtas, Bulacan.





Comments