Unsolved case ng Dengvaxia vaccine, nagdulot ng takot at maling paniniwala sa pagpapabakuna

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 23, 2020
Napakalaki talaga ng naging epekto sa ating mga kababayan ang hindi pa naisasarang kaso ng Dengvaxia vaccine na binalot ng kontrabersiya at iniuugnay ng maraming magulang sa pagkamatay ng kani-kanilang anak.
Ang P3.5 bilyong Dengvaxia project ang sinisisi ng mga magulang matapos na maipatupad sa buong bansa at iniuugnay sa pagkakalagay umano sa delikadong kalagayan ng mga batang mag-aaral na naturukan sa kabila ng wala man lang kahit sintomas ng dengue.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tapos ang usaping ito na nagsimula noong 2017 matapos tiyakin ng pharmaceutical company na Sanofi Pasteur na ligtas gamitin ang naturang bakuna laban sa dengue maging sa mga hindi pa nahahawa dito at umabot nga sa halos 8,000 batang mag-aaral ang naturukan.
Nadamay din ang media noong mga panahong iyon na naakusahang nagbubuhos ng gasolina sa sitwasyon kaya naglagablab at humantong na sa kontrabersiya na hanggang ngayon ay hindi pa nariresolba.
Dahil dito ay nagkaroon ng “panic-then-forget” cycle ang publiko, partikular ang mga magulang at ngayon ay muli na naman nilang nararanasan ang takot dahil nga sa posibleng outbreak ng measles.
Magsasagawa ang Department of Health (DOH) ng malawakang pagbabakuna sa buong bansa sa mga darating na linggo bilang paghahanda nga sa posibleng outbreak sa pagpasok ng susunod na taon.
Ngunit dahil sa matinding takot na nararanasan ng maraming magulang ay marami ang nagpahayag na ayaw nilang pabakunahan ang kani-kanilang anak na nagdulot ng pagkabahala sa ating pamahalaan.
Dahil dito ay mismong Palasyo na ang nanawagan na huwag tayong matakot, lalo na ang mga magulang para sa kani-kanilang anak dahil ang bakunang ituturok laban sa measles ay isa sa pinakamatandang bakuna na ginagamit sa buong bansa.
Higit sa lahat ay subok na umano at tiyak na ligtas ang bakunang ginagamit natin laban sa measles at kung hindi umano matuturukan ang mga bata ay malalantad ito sa malaking kapahamakan.
Sabagay, naiintindihan natin ang nararamdamang pangamba ng maraming mga magulang na baka muling maulit ang nangyari noon sa panahon na maraming batang sunud-sunod na namatay na iniuugnay nga sa nakabinbin pang anti-dengue vaccine.
Ayon sa national immunization program ng DOH mahigit sa 2.4 milyong bata na ang edad 5 pababa ang madaling kapitan ng measles infection na dapat ay agarang malunasan.
Ang mass immunization campaign na nakatakdang isagawa ngayong Oktubre 26 ay dapat maging matagumpay dahil posibleng hindi na nating kayanin kung mauuwi pa ito sa outbreak habang nasa gitna tayo ng pandemya.
Ayon sa datos ng DOH, noong nakaraang taon lamang ay umabot sa 48,525 ang kaso ng measles sa bansa at posibleng mas dumami pa ito ngayon kung hindi agad magagawan ng tamang aksiyon.
Kaya sana makipagtulungan ang ating mga magulang upang hindi na tayo umabot sa muli tayong nagkakagulo dahil lumala o tuluyan nang binawian ng buhay ang ating mga anak dahil lamang sa takot at maling paniniwala.
Lalo na ‘yung mga kababayan nating naninirahan sa mga kabundukan at kabukiran na malayo sa mga pagamutan ay huwag kayong pumayag na hindi mabakunahan ang inyong mga anak upang nakatiyak kayo na hindi sila kapitan ng naturang sakit.
May kasabihan na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, pero kapag hindi ‘yan nabakunahan tapos ang maganda nilang kinabukasan.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments