top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Unibersidad na nagsasagawa ng ilegal na field trip, tuluyan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 29, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 29, 2025



Boses by Ryan Sison

Mas mabuting sa loob ng campus na lamang gawin ang pagdiriwang ng anumang espesyal na okasyon ng mga eskwelahan para na rin sa kaligtasan ng mga estudyante.

Kaya pinagpapaliwanag ng Commission on Higher Education (CHED) ang isang private school sa Quezon City na nagsagawa ng off-campus activity o ilegal na field trip na nakompromiso umano ang kalagayan ng mga estudyante nito.


Ayon kay CHED Chairperson Prospero de Vera III, naglabas na ang kagawaran ng show cause order sa Bestlink College of the Philippines matapos na iselebra ng unibersidad ang kanilang founding anniversary sa isang resort sa Bataan. 


Sinabi ng opisyal na inatasan na niya ang CHED National Capital Region na pangunahan ang imbestigasyon ukol sa insidente lalo pa’t napag-alamang hindi nagsumite ng mga kinakailangang dokumento ang naturang iskul sa opisina ng kagawaran.


Gayundin, nakarating sa kanilang tanggapan ang patong-patong na reklamo ukol sa mga nangyaring insidente, katulad ng pagbabayad ng mga estudyante kahit pa walang tiyak na plano ang eskwelahan sa sasakyang gagamitin at paglalakad ng mga mag-aaral ng ilang kilometro bago makarating sa nasabing resort.


Ayon pa sa social media posts ng mga estudyante, wala silang maayos at sapat na matutuluyan sa pagdarausan ng kanilang anibersaryo. Nahirapan din anila sila na makahanap ng masasakyan pabalik sa kanilang lalawigan.


Matatandaan na noong Pebrero 2017 ay may kahalintulad na insidente na rin ang nasabing eskwelahan na ikinasawi ng 15 indibidwal habang mahigit 40 mag-aaral naman ang nasugatan. 


Bilang itinuturing ng mga mag-aaral na pangalawang tahanan ang mga paaralan, may kaakibat na responsibilidad dito ang mga namumuno o namamahala.


Dapat na isaalang-alang lagi ng pamunuan ng eskwelahan ang kapakanan ng kanilang mga estudyante at hindi basta lamang sila ay turuan sa mga lesson. Isipin sana na tungkulin ng bawat paaralan na iprayoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral nila at sila ay pangalagaan nang sa gayon ay walang anumang mangyaring masama sa kanila.


Sa kinauukulan, sana ay agad na maresolbahan ang problemang ito at kanilang papanagutin ang mga sangkot sa insidente.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page