top of page

Unahin ang pagmamalasakit at pagseserbisyo sa kapwa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 10, 2024
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 10, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Kakambal ng ating buhay ang maraming pagsubok na kung minsan, akala natin hindi na matapos-tapos. Laging nasa isip ng inyong Senator Kuya Bong Go, paano pa kaya ang mga mahihirap nating kababayan na pati ihahain sa kanilang hapag-kainan ay pinoproblema sa araw-araw? Sa rami ng Pilipinong nangangailangan ng tulong, huwag nating sayangin ang oportunidad na maging parte ng solusyon. Laging tandaan na isang beses lang tayong daraan sa mundong ito. Anumang kabutihan na magagawa natin sa kapwa ay gawin na natin ngayon.


Nang makasama ko ang mga lokal na opisyal sa Batch 2 Liga ng mga Barangay - Northern Samar sa paanyaya nina Governor Edwin Ongchuan at Board Member Arturo Dubongco Jr., para sa kanilang Provincial Assembly nitong July 8, nagpaalala ako sa kanila na laging unahin ang kapakanan ng mga mahihirap at maglingkod nang tapat para manatili ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno. Tayo ang inaasahan nilang maglalapit ng serbisyo ng pamahalaan kaya hindi dapat mawala ang focus sa paglilingkod anumang mga pagsubok o batikos ang kaharapin natin. Ang tunay na bida sa ating buhay ay ang taumbayan na nagluklok sa atin.


Ito rin ang mensahe ko sa mga kabataang susunod na lider ng bansa sa pagdalo natin sa opening ceremony ng Sangguniang Kabataan - Iloilo Chapter Provincial Congress sa paanyaya naman ni Board Member Esara Javier. Nakasama rin natin sa pagtitipon sina Senator Alan Cayetano, Cong. Lorenz Defensor, Gov. Art Defensor at Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.


Naniniwala ako na kapag matibay at marangal ang pundasyon ng bagong henerasyon, tulad ko ay magiging bisyo rin nila ang pagseserbisyo. Naibahagi ko sa mga SK na sa unang yugto pa lang ng kanilang pagseserbisyo publiko ay kapakanan ng mahihirap na ang kanilang dapat unahin. Sa ganitong paraan, hinding-hindi sila magkakamali.


Gaya nga ng lagi kong sinasabi, ang tunay na pagseserbisyo ay may malasakit at walang oras at lugar na pinipili. Kaya nitong Lunes, July 8, naghatid din tayo ng serbisyo sa ating mga kapwa Batangueño sa isla ng Tingloy. Personal nating sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center. Isa ito sa ating mga inisyatiba bilang chair ng Senate Committee on Health para ilapit sa ating mga kababayan lalo na sa mahihirap at nasa malayong lugar ang serbisyo medikal ng pamahalaan.


Ang isla ng Tingloy ay nasa dulo na ng Batangas at malayo sa siyudad. Limitado ang pasilidad sa bayan at kinakailangan pang magbangka upang makarating sa ospital. Kaya nasilayan ko sa aking pagbisita ang mga hamon sa mga residente sa pagkakaroon ng access sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan kapag sila ay nagkakasakit. Kaya naman malaking tulong na ang pagsulong natin na magkaroon ng Super Health Center doon.


Matapos ang inagurasyon ay naghatid tayo ng dagdag na tulong sa mga barangay health workers na dumalo sa okasyon bilang pagkilala at pagsuporta sa ating hangaring mapangalagaan ang kalusugan ng komunidad. Personal din nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 500 residente roon na nawalan ng hanapbuhay. Bukod sa ating naipamahagi, sa ating inisyatiba ay mabibigyan din ng DOLE ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng pansamantalang trabaho.


Pinasalamatan natin ang mga taga-Tingloy at ang kanilang mga opisyal kabilang sina Congresswoman Jinky Bitrics Luistro, Mayor Lauro Alvarez,  Vice Mayor Dawn Erika Alvarez-Amboy at former Mayor Noel Luistro para sa kanilang patuloy na pagsisikap na mapalakas ang mga programang pangkalusugan. Nagpasalamat din tayo sa pagdedeklara sa atin bilang Adopted Son of Tingloy, na para sa akin ay isang malaking karangalan. Bilang isa ring adopted son ng CALABARZON region, patuloy akong magsusumikap upang ilapit ang serbisyong nararapat para sa mga kapwa ko Batangueño at iba pang taga-Southern Tagalog.


Nakilala rin natin sa ating pagbisita sa isla ng Tingloy si Aling Ramelyn Marquez na nagtitinda ng palamig at empanada. Nalaman natin na may sakit pala ang kanyang mister. Sinabi natin kay Aling Ramelyn na tutulungan natin siyang maipasuri ang kanyang mister sa abot ng ating makakaya at kapasidad. At para makauwi nang maaga si Aling Ramelyn sa kanyang pamilya, binili na rin natin ang kanyang mga paninda.


Samantala, tuluy-tuloy rin ang ating Malasakit Team sa pag-alalay sa ating mga kababayan na nangangailangan. Nagkaloob tayo ng suporta sa mga naging biktima ng sunog kabilang ang 104 na residente ng Mandaue City, 37 sa Cebu City at 92 sa Manila City.


Namahagi tayo ng tulong sa 200 micro-entrepreneurs na mga kababayan mula sa Lapu-Lapu City at Cordova, Cebu. Nakatanggap din sila ng livelihood assistance mula sa national government.


Natulungan natin ang 830 mahihirap na residente ng Barangay 40-D, Poblacion District sa Davao City kaagapay si Brgy. Captain Felizardo Villacampa.


Hindi rin natin kinalimutan ang 65 kababayan na nawalan ng hanapbuhay sa Bato, Catanduanes. Katuwang si Vice Mayor Roy Regalado at sa ating inisyatiba ay nabigyan ng gobyerno ng pansamantalang trabaho ang mga kuwalipikadong benepisyaryo.


Tao lamang tayo at napapagod din sa harap ng napakaraming pagsubok pero mas nangingibabaw sa inyong lingkod na inyong tinaguriang Mr. Malasakit ang mandato ko na magserbisyo sa ating kapwa. Makakaasa kayo na sa harap ng maraming pagsubok, hindi maaapektuhan ang ating patuloy na paghahatid ng tunay at may malasakit na serbisyo sa mga Pilipino. Basta’t kaya ng aking katawan at oras, tutulong ako saan mang sulok ng bansa. Bisyo ko na talaga ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page