top of page

Pagkilala sa mga sakripisyo at kabayanihan ng ating mga sundalo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 30, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Muli kong ipinapaabot ang taos-pusong pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng apat na sundalong nasawi sa naganap na engkuwentro sa Munai, Lanao del Norte noong Biyernes ng umaga, January 23.


Saludo kami sa katapangan at kabayanihan nina SSgt Diosito A. Araya ng 1st Civil Military Operations Battalion, Sgt Gilbert P. Arnoza ng 106th Infantry Battalion, Sgt Junel M. Calgas ng 97th Infantry Battalion, at Pvt Sean Mark Laniton ng 44th Infantry Battalion ng Philippine Army. Maraming salamat sa inyong serbisyo at sakripisyo.


Sa ganitong mga pagkakataon, hindi maiiwasang maalala ang sakripisyo ng SAF 44 na nasawi sa Mamasapano noong 2015. Dahil sa bigat ng trahedyang iyon, idineklara ang ika-25 ng Enero bilang National Day of Remembrance for the Heroic Sacrifice of the SAF 44 sa bisa ng Proclamation No. 164 na nilagdaan noong 2017 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Ang proklamasyong ito ay paalala na ang paggunita sa mga nasawi sa linya ng tungkulin ay hindi lamang usapin ng alaala kundi ng pagkilala sa tunay na halaga ng kanilang sakripisyo.


Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018, dinoble natin ang sahod ng entry level na mga pulis, sundalo, at iba pang uniformed personnel—kabilang ang Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology—bilang pagkilala sa bigat ng kanilang responsibilidad at panganib na kaakibat ng kanilang tungkulin. Ipinakita nito ang malinaw na paninindigan ng pamahalaan na suportahan ang ating mga tagapagtanggol ng bayan, at patuloy ang panawagan ng buong suporta para sa lahat ng ating uniformed personnel.


Dahil sa sakripisyo ng mga uniformed personnel na handang magbuwis ng buhay, hangad natin na mapangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga mahal sa buhay. Malaking bahagi nito ang edukasyon ng kanilang mga anak, na posibleng mangulila dahil sa tungkulin ng ating mga men and women in uniform.


Sa pagsisimula ng 20th Congress, naghain ako ng Senate Bill No. 684, o ang Scholarship for Children of Fallen MUP Bill. Layunin ng panukalang ito na mabigyan ng tuluy-tuloy na tulong-edukasyon ang mga anak ng mga sundalo at uniformed personnel na nasawi o permanenteng na-disable sa linya ng tungkulin.


Kung maisabatas, saklaw ng panukala ang iba’t ibang hanay ng military at uniformed personnel, kabilang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).


Bukod sa SBN 684, patuloy kong sinuportahan ang mga panukala at batas na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng ating mga uniformed personnel. Isa ako sa principal authors at co-sponsors ng Republic Act No. 12177, o ang Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act, na nagtatatag ng libreng serbisyong legal para sa mga kasong may kaugnayan sa kanilang serbisyo.


Kabilang din ako sa mga co-authors ng Republic Act No. 11549 na nagbaba ng height requirement sa PNP upang mas maraming kwalipikadong aplikante ang mabigyan ng pagkakataon, at sinuportahan ko ang Republic Act No. 11200 na nag-ayos ng rank classification ng PNP upang mas maging malinaw ang operasyon at pamumuno.


Sa pagpapatuloy ng mga repormang ito, naghain din ako ng Senate Bill No. 682, ang panukalang Philippine Coast Guard Modernization bill, na layuning maglatag ng sampung taong programa para sa modernisasyon ng kagamitan, pasilidad, at kakayahan ng PCG.


Samantala, noong nakaraang linggo, tatlong magkakasunod na araw tayong bumisita sa iba’t ibang pamilyang naapektuhan ng sunog. Noong January 21, personal akong nagtungo sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City upang magbigay ng tulong sa kabuuang 193 biktima ng sunog.


Noong January 22, pumunta naman ako sa Barangay NBBS sa Navotas City upang maghatid ng ayuda sa 40 benepisyaryo. At noong January 23, sa Barangay 607 sa Sta. Mesa, Maynila, personal na naghatid tayo ng tulong sa 172 biktima ng sunog. Nitong January 28, personal din tayong nagbigay ng tulong sa 335 pamilyang nasunugan mula sa Tejeros at Sta. Cruz, Makati City.


Nagpatuloy rin ang aking team sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga biktima sa Davao City, at Manay, Davao Oriental. Nagbigay rin kami ng tulong sa ilang indigent na residente sa Macabebe, Pampanga. Bukod dito, naghatid din kami ng ayuda sa mga biktima ng lindol sa San Isidro at Governor Generoso sa Davao Oriental.

Dumalo rin ang aking team sa inagurasyon ng Super Health Center sa Barangay Talon-Talon sa Zamboanga City.


Bilang mambabatas, gagawin ko ang aking trabaho sa abot ng aking makakaya upang mapabuti ang buhay ng ating mga kababayan dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page