top of page

Pakinggan ang kalam ng sikmura, ‘di ang script ng iilan!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | January 30, 2026



Imeesolusyon ni Imee Marcos


Beshies, aminin na natin: sa tuwing may kontrobersiya, iisa ang sigaw ng publiko — “Ikulong!”


Paulit-ulit, pasigaw, parang iyon na lang ang sukatan ng hustisya. Naiintindihan ko ang galit at pagod. Pero habang umiikot tayo sa iisang sigaw, may mas mahalagang tanong na hindi nasasagot: hanggang kailan?


Binabaha ang Pilipinas, pero hindi lang ito baha dulot ng ulan. Baha ito ng mataas na presyo ng bigas, ng singil sa kuryente na hindi makatarungan, at ng kawalan ng disenteng trabaho. At habang ang Senado ay abala sa walang katapusang hearing, ang ordinaryong Pilipino ang patuloy na lumulubog.


Hindi ako tutol sa pananagutan at pagkulong kung iyon ang hatol ng batas. Pero ang malinaw sa akin ay, hindi puwedeng dito lang umiikot ang buong enerhiya ng gobyerno. Ang hustisya ay hindi nasusukat sa haba ng pagdinig, kundi sa bilis at linaw ng resulta.

Noong binaha ang mundo, hindi nagsayang ng oras si Noah sa pakikipagtalo. Kumilos siya, gumawa siya ng arko. May direksyon, may layunin, at higit sa lahat, may sense of urgency. Kung may aral man doon ay ito: ang krisis ay hindi sinasagot ng ingay, kundi ng solusyon - aksyon.


Kung arko ang Senado, hindi ito dapat maging entablado ng takutan at palabas. Hindi ito puwedeng gawing teleserye na may plot twist bawat linggo. Dapat klaro ang layunin: tapusin ang imbestigasyon, ilabas ang katotohanan, at magdesisyon dito.


Dahil habang nagpapatuloy ang drama, may mga pamilyang nagbabawas ng kanin sa hapag. May mga manggagawang walang mapasukang trabaho. May mga Pilipinong hindi na kaya bayaran ang kuryente. Ito ang tunay na krisis — at hindi ito nag-aabang sa kahit ano pang hearing.


Sige, magsalita silang lahat—pero hindi porke marami ang mikropono, patas na ang demokrasya.


Kapag puro ingay, ang boses ng ordinaryong Pilipino ay parang naka-mute!

Tapusin na ang hearing. Oras na para pakinggan ang kumakalam na sikmura ng bayan — hindi ang drama at paandar ng iilan mapagtakpan lang ang buong katotohanan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page