Taumbayan, pagod na sa kapalpakan ng gobyerno
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 30, 2026

Kay bilis ng araw, mga giliw na taga-tangkilik. Bukas ay huling araw na ng unang buwan ng taon ng Enero at papasok na ang ikalawang buwan na Pebrero.
Ang ating katanungan: May makukulong na kayang matataas na opisyal ng gobyerno kaugnay ng flood control mess? Aba'y napakatagal nang nagkabuyangyangan ng mga alegasyon ng korupsiyon na ang mga sangkot ay nakitaan ng Anti-Money Laundering Council, na may mga limpak-limpak na kuwestiyonableng yaman.
Ngunit hanggang ngayon ay wala pang malalaking isda na nahuhuli sa bitag ng katarungan at nakakalangoy pa sa karagatan ng pagpapakasasa.
Habang tumatagal ay lalong nagngingitngit ang galit at pagpupuyos ng taumbayan dahil nanggigitata sa bulok na kalagayan ng lipunan—walang maayos na pampublikong transportasyon, na ang kanilang nilalanghap pa ay ang maitim na usok mula sa mga bulok na pampublikong sasakyan na matagal na dapat hindi pinayagang pumasada.
Ayun at narinig nating maninibak na ng mga namumuno sa mga rehiyon itong si Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Vigor Mendoza II kapag may mga kakarag-karag at 'di karapat-dapat na mga pampublikong transportasyon tulad ng bus, taxi at jeepney ang hinayaan pa nilang makapamasada sa ating mga lansangan.
Aba'y sigurado dapat na may gumulong na mga ulo d’yan sapagkat saan ka man tumingin sa kalye, bulag lang ang hindi makakakita ng mga naglipanang mga iyan.
Pagod na pagod na nga ang mga ordinaryong Pilipino sa kakatrabaho, wala pang mapagpiliang murang masasakyan, palalanghapin pa sila ng samu't saring usok na nakasusulasok at kalaunan ay nakamamatay.
Nawa ay kamay na bakal ang gamitin nitong si Ginoong Mendoza at panagutin ang mga dapat managot–na dapat nga ay sila ang bugahan nitong mga mala-pusit na usok, na ipinakain nila ng matagal na panahon sa mga mahihirap na pasahero dahil sa kanilang pagiging inutil at walang malasakit sa taumbayan.
Kapag hinaharap natin ang sitwasyon lalo na sa Metro Manila araw-araw, mapapailing at magagalit ka naman talaga sa mga kapalpakan, lalo na kapag papunta ka sa BGC galing sa South, na papaliit ang kalsada paakyat sa BGC kaya't bumabagal na ang daloy ng trapiko. Ano ba namang klaseng pagpapaplano ‘yan? Mga hindi nag-iisip!
Kung may balak ngang gawing mas accessible sa lahat itong BGC, aba'y ang daraanan papasok at palabas rito ay hindi dapat na para kang sumasali sa prusisyon ng Sta. Elena.
Sa isa ring banda, mapapailing ka at magngingitngit sa rami ng buwis na haharapin mo sa araw-araw–tulad ng pagkain at kahit sarili mong bahay na kapag ililipat mo lamang sa anak mo ay may napakalaking tax pa rin! Para kang pinarurusahan sa pagkakaroon ng tahanan na hinulugan mo sa loob ng maraming taon.
Dapat ring agarang pag-aralan ng pamahalaang Marcos Jr. ang mga kasalukuyang buwis na sandamakmak, at sikaping bigyang kagaanan si Juan at Juana dela Cruz na hindi na nga magkandaugaga sa hirap ng buhay, sa pamamagitan ng pagbibigay-konsiderasyon sa kanila sa aspeto ng pagbubuwis.
Higit sa lahat, ikulong na ang mga dapat ikulong!
Napakaraming pagbabago sa gobyerno ang dapat maganap sa ngalan ng totoong hustisya.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments