Unahin ang kapakanan ng pinakanangangailangan
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 27, 2021
Bagama’t mahirap ang buhay ngayon, huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil walang tigil ang ating pagtatrabaho upang maproteksiyunan ang buhay, kabuhayan at tiyan ng mga Pilipino.
Kasabay ng paglaban natin sa COVID-19, patuloy din nating pinupuksa ang hirap at gutom na nararamdaman ng marami sa ating mga kababayan. Walang Pilipino ang dapat mapag-iwanan sa ating muling pagbangon bilang mas matatag na bansa.
Nakababahala na dahil sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng maraming bansa sa mundo, tumataas din ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Ito ay dumaragdag sa pasanin ng mga Pilipinong patuloy na tinatamaan ng kasalukuyang pandemya.
Sa kadahilanang ito, umapela tayo kamakailan sa mga ahensiya ng gobyerno, lalo na sa Department of Energy, Department of Agriculture, at Department of Transportation na pag-aralan agad ang posibleng pagbibigay ng fuel discounts or subsidy para sa mga strategic sectors, gaya ng public transport, food deliveries at iba pa.
At nagpapasalamat tayo sa kanilang mabilis na pagtugon sa panawagan natin.
Magpapalabas ang gobyerno ng kabuuang P1 bilyon na cash grant para sa 178,000 na mga bona fide PUV drivers sa nalalabing buwan ng taong ito. Ipamimigay ang tulong-pinansiyal na ito gamit ang sistema ng Pantawid Pasada Program ng LTFRB.
Sa pagbibigay ng discount o subsidy, mas mapapagaan natin ang bigat na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis. Pag-aralan din natin ang posibleng pag-amyenda sa kasalukuyang batas upang mapahintulutan ang temporary suspension ng fuel excise tax sa panahong masyadong mataas ang presyo ng langis sa world market.
Sa panahon ng krisis, gawin natin ang lahat para maibsan ang pinapasan ng ating mga kababayan. Bawat buhay ay pinahahalagahan natin, lalo na ‘yung mga walang ibang matakbuhan. Sila ang prayoridad natin dito, kapakanan nila ang ipinaglalaban natin!
Tulad ng bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte, “Unahin mo ang kapakanan ng mga Pilipino at mahalin natin ang ating kapwa, hinding-hindi ka magkakamali.”
Ito rin ang dahilan kung bakit hinahangad natin na maipagpatuloy ang mga magagandang proyekto at programa na nasimulan ng Administrasyong Duterte, lalo na ang mga imprastraktura na magpapabuti sa ating mass transportation system upang maging mas komportable at maginhawa ang buhay para sa lahat tulad ng ipinangako ng Pangulo. Ito ang magiging susi para sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng bansa at pagbalik ng sigla ng ekonomiya pagkatapos ng pandemya.
Samantala, sa kabila ng magagandang resulta sa mga survey kung saan naipakitang patuloy ang mataas na suporta at tiwala ng ating mga kababayan sa inyong lingkod at kay Pangulong Duterte, hindi natitinag ang ating layunin na patuloy na tumulong sa ating kapwa sa abot ng ating makakaya. Nandito kami para magserbisyo sa inyong lahat — anumang posisyon o panahon.
Hindi namin sasayangin ang bawat oras, minuto, o pagkakataon na ibinibigay sa amin ng taumbayan na magserbisyo sa aming kapwa. Kapalit ng inyong tiwala at suporta, ibabalik ko sa inyo ang serbisyong may malasakit, tunay at nararapat kahit saang sulok man ng Pilipinas.
Bagama’t papalapit na ang susunod na halalan, hindi ito panahon para magkawatak-watak tayo.
Magkakaiba man ang ating paniniwala sa pulitika, iisa lang naman ang ating hangarin para sa ikabubuti ng ating bayan. Kung kaya’t unahin muna natin ang pagkakaisa, pakikipagbayanihan at pagbabakuna bago natin atupagin ang usaping pulitika!
Mas interesado ang mga kababayan natin sa mga solusyon sa kasalukuyang problema, dahil kung hindi natin malalampasan ang mga pagsubok na ito, baka wala na tayong pulitikang mapag-uusapan pa.
Kaya sa mga kapwa natin lingkod bayan, tumulong tayo nang walang kapalit dahil ang ating sinseridad sa pagseserbisyo ang magiging batayan din ng taumbayan kapag tayo ay kanilang huhusgahan pagdating ng tamang panahon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments