Ugas, kampeon sa UD; Pacman, wagi sa $25-M
- BULGAR
- Aug 23, 2021
- 3 min read
ni MC / Gerard Arce - @Sports | August 23, 2021

Hindi nakaporma si eight division world champion Manny Pacquiao kontra kay Yordenis Ugas sa kanilang laban sa T-Mobile Arena sa Las Vegas na nauwi sa unanimous decision at mapanatili ng huli ang kanyang WBA Super-World welterweight title, para sa 12-round main event card.
Bigo si Pacquiao na makapagpatama ng maganda kontra sa mas malaki na may mas mahabang biyas bukod na na mas asintadong 35-anyos na si Ugas. Halatang alam na ni Ugas na wala ng knockout punch si Pacquiao kaya buong 12 round ay nakatayo lang ito sa harap ng Pambansang Kamao at naghihintay ng pagkakataon na makapagbato ng piling-piling mga suntok.
Sa bawat suntok ni Ugas ay halatang iniinda ni Pacquiao dahil tumitilapon ito tuwing tatamaan ng right hook ng Cuban fighter. Pinilit ni Pacquiao na makipagsabayan sa laban pero tila kapos ang bawat suntok nito at hindi umaabot sa mukha ng Cuban fighter. Ayon sa mga nakapanood, malaki na ang ibinagal ni Pacquiao sa laban at nawala na ang dating tikas nito sa pagsagupa sa boksing.
Maganda ang naging game plan ng orthodox na si Ugas kontra kay Pacquiao kung saan inaabangan lang nito ang Pambansang Kamao at sabay bigay ng bigwas na hindi makayanan ng Pinoy. Maraming boxing fans ang nalungkot sa naging pagkatalo ni Pacquiao kung saan nanawagan sila sa Pinoy boxing icon na magretiro na bago pa ito magkaroon ng brain injury sa paglaban sa mas batang boksingero.
Malinaw na ibinigay ng mga huradong sina Dave Moretti (116-112), Patricia Morse Jarman (115-113) at Steve Weisfeld (116-112) ang pagpabor sa Santiago de Cuba-native Ugas na gumamit ng razor sharp jab na lahat ay tumatama sa Pinoy.
. “I'm very excited, but most of all, I want to thank Manny Pacquiao for giving me this moment in this ring today,” wika ni Ugas sa panayam dito matapos ang laban sa isang translator. “We only had two weeks of training, but I listened to my corner and it all worked out. He’s a great competitor, but I came in here to show I am the champion of the WBA. A lot of respect for him, but I won this fight.”
Ito ang unang pagdepensa ni Ugas sa hawak nitong titulo na inilipat sa kanya matapos alisin kay Pacquiao dahil sa mahigit dalawang taong hindi pagsagupa sa ibabaw ng ring. Dahil sa pagkatalo nalugmok si Pacquiao sa career record na 62-8-2, 39 KOs habang si Ugas ay nag-imprub sa 27-4-0, 12 Kos. Hindi pa naman sinasabi ni Pacquiao ang kanyang magiging plano, kung tatakbo ba ito sa eleksyon para sa posisyong Pangulo ng Pilipinas at magreretiro na ba ito sa pagboboksing. Makapag-uuwi ng tumataginting na $25-M si Pacman habang ang replacement na si Ugas ay $1-M.
Dahil din sa panalo ni Ugas ay naiselyo nito ang pagiging tunay na kampeon ng WBA 147-pound title na ipinagkaloob sa kanya nitong Enero 2021 matapos tanggalin kay Pacquiao ang titulo dulot ng pagpalyang maidepensa ang korona at mailagay ito bilang “Champion in Recess” kasunod ng pagkakapanalo nito ng titulo kay Keith “One Time” Thurman nung Hulyo 20, 2019 via split decision.
Nakuha rin ng Miami resident ang kanyang ika-12 na panalo sa 13 laban, kung saan ang huling talo nito ay nanggaling sa kontrobersyal na pagkatalo kay Shawn “Showtime” Porter via split decision nung Marso 9, 2019 para sa WBC title.
Masuwerteng nakuha ni Ugas ang panalo na biglaan ang pagpapalit sa kanya sa nalalabing 10-araw ng laban matapos umatras si unified IBF/WBC 147-lbs titlist na si Errol “Truth” Spence Jr. na naoperahan ang kaliwang mata dahil sa injury.




Comments