top of page

Tumataas na bilang ng walang trabaho, nakababahala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 7, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 7, 2025



Boses by Ryan Sison

Hindi maikakaila na kailangang magsumikap upang matustusan ang mga pangangailangan ng pamilya, subalit paano kung kulang o wala talagang mapagkukunan ng pagkakakitaan? 


Ayon sa pinakahuling Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 2.16 milyon ang bilang ng mga walang trabaho noong Enero 2025. Mas mataas ito kumpara sa 1.63 milyon noong Disyembre 2024. 


Paliwanag ni PSA Assistant Secretary Divina Gracia del Prado, ang pagbaba ng bilang ng mga may trabaho ay maaaring maiugnay sa pagbaba ng demand para sa mga manggagawa matapos ang Kapaskuhan. 


Aniya, tuwing Disyembre, mas mataas ang pangangailangan para sa seasonal workers, ngunit pagsapit ng Enero, bumabalik ito sa normal kaya marami ang nawawalan ng trabaho. 


Sa datos, lumalabas na 4.3% ng labor force ang walang trabaho — ibig sabihin, sa bawat 1,000 Pilipino, 43 ang walang hanapbuhay. 


Isa sa mga dahilan pa aniya ay ang paghina ng demand para sa mga empleyado pagkatapos ng holiday season, pati na rin ang iba’t ibang labor requirements na kailangang sundin ng mga naghahanap ng trabaho. 


Sa kabila ng mga hamong ito, marami pa rin ang nagpupursige na makahanap ng kabuhayan. Ito ay dahil naniniwala ang marami na sa panahon ng mataas na bilihin, hindi maaaring maging patulog-tulog sa pansitan. 


Tunay na mahirap makahanap ng trabaho, subalit mas mahirap naman ang walang kita. Kailangan ng tiyaga, diskarte at pagsisikap, at siyempre oportunidad para patuloy na mabuhay nang marangal.


Ang masaklap lang kadalasan ay tila walang epektibong solusyon ang gobyerno kaya paulit-ulit na lang ang ganitong problema, na maraming jobless o tambay na mga Pilipino.  


Sana totoong makagawa ng paraan ang kinauukulan para ito ay maresolbahan, hindi iyong puro press release lang ang sinasabi na kabaliktaran talaga sa nangyayari.


Bukod dito, dahil sa nalalapit na rin naman ang halalan, para sa mga tatakbong pulitiko dapat sigurong isa ito sa mga nakapaloob sa kanilang mga plataporma habang maging prayoridad din nila na mabigyan ng hanapbuhay ang mga kababayan. 


Kapag may maayos na trabaho, tiyak na walang magugutom, makakapag-aral ang mga bata, masusustina ang mga pangangailangan ng pamilya at higit sa lahat magiging maganda na ang pamumuhay.


Alalahanin sana ng gobyerno na may obligasyon sila sa taumbayan at ito ay mapabuti ang kalagayan ng bawat mamamayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page