Tuluy-tuloy na serbisyo sa Pilipino sa gitna ng krisis
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 19, 2021
Bukod sa matinding pagsubok na kinahaharap natin dahil COVID-19 pandemic, maraming kababayan pa rin ang patuloy na naaapektuhan ng iba’t ibang sakuna at kalamidad.
Noong Lunes, March 15, tinulungan natin ang halos 2,700 nating kababayan na tinamaan ng Bagyong Ulysses sa bayan ng Cabagan, Isabela at Amulung, Cagayan. Mayroong 28 naman na pamilyang nasunugan din ang ating binigyan ng assistance mula sa Barangay 155 ng Tondo, Manila; Barangay Dioquino Zobel ng Quezon City, at New Lower Bicutan ng Taguig City.
Noong Miyerkules, March 17, higit 6,000 na naapektuhan ng Bagyong Ulysses ang ating natulungan sa Baggao, Cagayan at Ilagan City, Isabela. Sa parehong araw, higit 1,500 namang residente ng Bayabas at Cortes sa Surigao del Sur na nasalanta ng Bagyong Auring ang nabigyan natin ng assistance. Tinulungan din natin ang 44 na pamilyang nasunugan sa Barangay 576 at 574 sa Sampaloc, Manila. Pumunta rin ang aking staff sa Kidapawan City, North Cotabato para mamahagi ng tulong sa 400 na market vendors doon.
Samantala, kahapon lamang, March 18, binsita natin ang 1,000 TODA members sa Tacloban City para magbigay-tulong, kasabay ang pag-abot ng tulong sa mga naapektuhan ng Typhoon Yolanda noong nakaraang mga taon. Ang NHA naman ay namahagi ng titulo sa lupa sa mga nasabing pamilya.
Naghatid din tayo ng tulong sa mga pasyente at medical frontliners sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City. Maaalalang dito naipatayo ang ikalawang Malasakit Center sa bansa noong May 2018. Pumunta rin tayo sa Tanauan, Leyte upang maghatid ng ayuda sa 800 market vendors at TODA members.
Kasabay din dito ang pag-iikot upang magdala ng tulong sa 479 katao sa San Mariano, Isabela at 1,198 katao sa Gattaran, Cagayan, na biktima ng Typhoon Ulysses. Mayroon ring 200 market vendors sa Kidapawan City na nakatanggap ng kaparehas na tulong.
Binigyan natin sila ng pagkain, food packs, masks, face shields, at vitamins. Namahagi rin tayo ng iilang sapatos, bisikleta at computer tablet. Naroon din ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng DSWD, DOH, DA, DOLE, DTI, TESDA, at iba pa upang magpamahagi ng hiwalay na tulong base sa mga programang meron sila para sa mga kababayan nating nasa krisis.
Huwag tayo maging kampante at paigtingin natin ang pag-iingat. Ang kooperasyon ng lahat ay makapagliligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino.
Kung walang mask o face shield ang tao, bigyan. Lalo na sa mga lugar na madalas puntahan hanggang sa pinakamalalayong barangay. Paigtingin ang kaalaman at kakayahan ng mga Pilipino na makisama sa labang ito at para tumaas ang kumpiyansa sa bakuna.
Matapos mabakunahan ang mga frontliners, isusunod agad ang mga kababayang pinaka-nangangailangan at pinaka-apektado ng pandemya upang unti-unti maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay. Prayoridad ang mahihirap, informal settlers at iba pa.
Huwag nating hayaang masayang ang mga sakripisyong ginawa natin noong nakaraang taon. Patuloy tayong magbayanihan, magtulungan at magmalasakit sa ating kapwa. Sama-sama tayong makakabangon muli kung iisipin natin ang kapakanan ng lahat at hindi ang pansariling interes lamang.
Nitong mga nakaraang araw, may ilang indibidwal ang nahuli ng awtoridad dahil sa mga panlolokong ginagawa nila gamit ang pangalan ng inyong lingkod. Huwag kayong maniwala sa mga taong nagpapanggap na kakilala ko upang mangolekta ng pera o humingi ng pabor.
Una, hindi tayo humihingi o tumatanggap ng pera kahit piso, lalo na para sa kampanya. Pangalawa, hindi rin tayo interesadong tumakbo sa darating na eleksiyon. Kung may alam kayong nanghihingi ng pera o pabor gamit ang pangalan ko, isumbong ninyo sa akin.
Kung magkakaisa tayo at uunahin natin ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino, sama-sama nating malalampasan ang mga pagsubok na ito bilang isang mas matatag na bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments