Tuluy-tuloy ang ating suporta sa mga atletang Pilipino!
- BULGAR

- Aug 14, 2024
- 4 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 14, 2024

Nagbubunyi ang buong bansa sa pag-uwi ng ating mga bayaning atleta mula sa 2024 Paris Olympics. Pasalubong nila sa atin ang dalawang gold at dalawang bronze medals mula sa ating gymnast na si Carlos Yulo at mga boksingerong sina Nesthy Petecio at Aira Villegas. Buong giting nilang ipinakita sa buong mundo ang husay ng Pilipino.
Isinumite rin natin sa Senado ang Senate Resolution para bigyang parangal ang historic win ni Carlos; at ang pagkasungkit nina Aira at Nesthy ng bronze medals.
Sa husay ng ating mga atleta, kinilala bilang best performing Southeast Asian nation ang Pilipinas sa 2024 Olympics. Patunay ito na sa patuloy nating pakikipaglaban na maglaan ng pondo para sa sports, lumalakas ang tsansa natin na manalo sa international competitions.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports na isa ring athlete at sports enthusiast, hindi ako tumitigil sa pagsuporta sa mga manlalarong Pilipino katuwang ang Philippine Sports Commission. Noong June ay pinagkalooban natin kasama ang PSC ng financial support ang bawat Olympian ng PhP500,000 para may magamit sila sa kanilang paghahanda sa Paris Olympics. Noong August 6 ay nakatanggap din ang ating para-athletes na lalahok naman sa 2024 Paris Paralympics sa France mula August 28 hanggang September 8.
Bagong halal na senador pa lang ako noong 2019, isinulong ko nang makatanggap ng tulong mula sa private sector ang ating kauna-unahang Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz. Naniniwala ang inyong Senator Kuya Bong na kapag nagsama ang gobyerno at private sector para sa mga atleta, malayo ang mararating at kaya nating humakot ng medalya.
Noong 2021 naman ay sinuportahan din natin ang hiling ng PSC na karagdagang suporta para sa ating mga atletang lumahok at nag-uwi ng medalya sa 2020 Tokyo Olympics at maging sa Paralympics sa Japan.
Patuloy rin tayo sa paghikayat sa ating pamahalaan bilang chairperson ng Senate Committee on Youth na gawing prayoridad ang sports hindi lang sa elite athletes. Pinalalawak natin ang ating grassroots sports programs para mabigyan ng oportunidad ang ating mga kabataan, hindi lang sa sports kundi maging ang kalagayan nila sa buhay. Lagi rin nating paalala sa ating mga kabataan, “Get into sports, stay away from illegal drugs to keep us healthy and fit!”
Kaya naman sa ating patuloy na pagsulong sa sports lalo na sa grassroots development, sinuportahan natin ang ginanap na pagbubukas ng Samalenyo Cup Season 2 sa Brgy. Limao Gym, Samal, Davao del Norte noong August 10, kasama si Councilor Kristoperson Lanorias. Ang naturang sportsfest ay natulungan nating mabigyan ng pondo mula sa PSC.
Sinaksihan din ng aking opisina ang ginaganap na Golazo Cup sa Circulo Verde, Quezon City katuwang ang tanggapan nina DepEd Secretary Sonny Angara at Senator Pia Cayetano; gayundin ang Perlas ng Silangan Basketball League South Mindanao Qualifiers Grand Opening Ceremonies sa Davao City kasama si South Mindanao Commissioner Christian Formentos Robles; at ang Mayor’s Cup Inter Barangay 2024 sa Hermosa Bataan katuwang si Vice Mayor Patrick Rellosa.
Hindi rin natin kinakaligtaan ang paghahatid ng serbisyo at tulong sa ating mga kababayan. Noong August 12 ay binalikan natin at muling inayudahan ang 197 residente ng iba’t ibang barangay sa Quezon City na biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog. Sa pamamagitan din natin ay nabigyan sila ng tulong pinansyal ng National Housing Authority mula sa programang ating isinulong para may pambili ang mga benepisyaryo ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pag-aayos ng kanilang mga tahanan.
Matapos ito ay dumiretso tayo sa Alfonso, Cavite at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 2,000 mahihirap na residente — na sa ating inisyatiba ay nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan. Nag-inspeksyon din tayo sa bagong Super Health Center at binisita natin ang kanilang evacuation center, na ang pagpapatayo ay napondohan sa pamamagitan natin. Nagpapasalamat ako sa lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Randy Salamat, Vice Mayor Madona Mojica-Pel at mga konsehal sa pagdeklara sa akin bilang adopted son ng bayan.
Sa araw ding iyon ay sinaksihan ng aking tanggapan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa La Castellana, Negros Occidental kasama si Mayor Mhai Nicor.
Kahapon, Aug. 13, dumalo naman tayo sa ginanap na 8th Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) Accredited National Convention of Public Attorneys National Convention sa PICC, Pasay City sa paanyaya ni PAO Chief Persida Acosta. Nagpapasalamat tayo sa iginawad sa atin na parangal bilang outstanding senator. Tayo naman, may award man o wala, ay patuloy na magseserbisyo sa abot ng ating makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo sa kapwa ko Pilipino.
Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nangangailangan tulad ng mga nawalan ng hanapbuhay sa iba’t ibang komunidad. Sa Bohol, natulungan ang 93 sa Loboc katuwang si Mayor Raymond Jala; 55 sa Sevilla kaagapay si VM Richard Bucag; 93 sa Garcia Hernandez kasama si Mayor Jess Baja; at 213 sa Valencia kasama sina Mayor Dionisio Neil Balite, VM Aristotle Cometa at iba pang opisyal.
Sa Bohol pa rin, naalalayan ang 93 nawalan ng hanapbuhay sa Alicia katuwang si Mayor Victoriano Torres III; 91 sa San Miguel kaagapay si Mayor Ian Gil Mendez; ang 66 sa Ubay katuwang ang lokal na pamahalaan; at 56 sa Candijay kasama si VM Christopher Tutor. Natulungan din ang 118 nawalan ng trabaho sa Plaridel, Quezon katuwang si Vice Governor Anacleto Alcala III; 65 sa Bulan, Sorsogon kaagapay si Vice Mayor Chezka Robles; at 78 sa Buluan, Maguindanao del Sur kasama natin si VM Rhamla Mangudadatu Kadalim. Sa ating inisyatiba ay nabigyan din sila ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Natulungan din natin ang 120 naging biktima ng sunog sa mga barangay sa Villamonte, Bacolod City, Negros Occidental. Hindi rin natin kinaligtaan ang 20 maliliit na negosyante sa Tarragona, Davao Oriental, na sa pamamagitan natin ay nakatanggap din ng tulong pangkabuhayan mula sa DTI.
Sa abot ng aking makakaya, hindi ako titigil sa paghahatid ng tulong sa lahat ng sektor na nangangailangan ng ating serbisyo at malasakit. Sabi ko nga, minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kaya anumang tulong ang puwede nating ibigay, o anumang karangalan ang maaari nating ialay sa bansa, ay gawin na natin ngayon.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.








Comments