Pagpapakasal at pakikipag-live in sa menor-de-edad, may mabigat na parusa
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 29, 2026

Dear Chief Acosta,
Narinig ko ang aking ina na diumano ay nais niyang ipakasal ang aking menor-de-edad na anak sa mayamang anak ng kanyang kaibigan. Dahil diumano ay menor-de-edad pa ang aking anak, nais niya na mag-live in muna ang dalawa. Nais ko sanang malaman kung legal ba ito. – Hidelyn
Dear Hidelyn,
Isinabatas ang Republic Act No. 11596 (R.A. No. 11596), o “An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties for Violations,” upang tugunan ang mga kasalang kinasasangkutan ng mga bata. Pinagtitibay ng batas na ito ang pagkilala ng Estado na ang kasal ay dapat pasukin lamang nang may malaya at ganap na pagsang-ayon ng mga partidong may karapatang magpakasal, at ang pagpapakasal o pag-aasawa ng bata ay walang bisa. Alinsunod dito, itinuturing ng Estado ang kasal ng bata bilang isang anyo ng pang-aabuso sa bata, sapagkat nilalabag nito ang likas na halaga at dignidad ng mga bata.
Para sa iyong kaalaman, ang salitang bata na tinutukoy ng batas ay tumutukoy sa sinumang tao na wala pang 18 taong gulang, o sinumang 18 taong gulang o higit pa ngunit hindi kayang ganap na pangalagaan at ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa pang-aabuso, kapabayaan, kalupitan, pagsasamantala, o diskriminasyon dahil sa pisikal o mental na kapansanan o kondisyon.
Samantala, ang kasal ng bata o child marriage na tinutukoy ng batas ay anumang kasal na pinasok kung saan ang isa o parehong partido ay bata, at isinagawa sa pamamagitan ng sibil o simbahang proseso, o sa anumang kinikilalang tradisyunal, kultural, o nakaugaliang paraan. Kabilang din dito ang impormal na pagsasama o pakikipag-live in, sa loob man o labas ng kasal, sa pagitan ng isang nasa hustong gulang at isang bata, o sa pagitan ng dalawang bata:
“Section 3. Definition of Terms. – As used in this Act:
(b) Child marriage refers to any marriage entered into where one or both parties are children as defined in the paragraph above, and solemnized in civil or church proceedings, or in any recognized traditional, cultural or customary manner. It shall include an informal union or cohabitation outside of wedlock between an adult and a child, or between children;”
Kaugnay nito, nakasaad sa Seksyon 4 ng nasabing batas na ang sinumang magdudulot, mag-aayos, magpapadali, o magsasagawa ng kasal ng bata ay papatawan ng parusang prisión mayor sa katamtamang antas nito at multang hindi bababa sa ₱40,000 Bukod pa rito, kung ang nagkasala ay isang ascendant, magulang, umampon na magulang, madrasta, o tagapag-alaga ng bata, ang parusa ay prisión mayor sa pinakamataas na antas nito, o multang hindi bababa sa ₱50,000, at panghabambuhay na pagkawala ng awtoridad bilang magulang o tagapag-alaga.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments