top of page

Mabilisang pagpapatayo ng mga silid-aralan, aprubado na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | January 29, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Inaprubahan ngayong linggo sa Senado ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, isang panukalang batas na layong pabilisin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa. Bilang co-author ng naturang panukala, nais kong bigyang-diin kung gaano kahalaga ang panukalang ito upang matugunan ang kakulangan natin sa mga silid-aralan.


Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), lumalabas na umabot na sa 147,000 ang kakulangan natin sa mga silid-aralan nitong Hulyo 2025. Malinaw sa maraming mga pag-aaral ang pinsalang dulot ng kakulangan ng mga silid-aralan. Isa na rito ang pagkakaroon ng malaking klase na minsan ay umaabot sa mahigit 200 na mga mag-aaral kada silid-aralan, ayon sa huling ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II). Nagpapatupad din ng dalawa hanggang tatlong shift sa bawat silid-aralan o kaya naman ay napipilitan ang mga mag-aaral at guro na gumamit ng mga makeshift spaces o pansamantalang mga silid-aralan.


Dahil dito, naaapektuhan ang kakayahan ng mga mag-aaral na matuto nang husto. Batay sa naging resulta ng 2025 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), lumalabas na mas mababa ang marka sa mathematics at reading ng mga mag-aaral na bahagi ng malalaking klase. Ayon din sa World Bank, mas matindi rin ang pinsalang inaabot ng mga itinuturing na disadvantaged o mga low-performing na mga mag-aaral. Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, lumalabas na mas apektado ng kakulangan ng mga silid-aralan ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3, mga mag-aaral na may kapansanan, at sa mga paaralang matatagpuan sa mga low-income communities.


Nakakabahala rin na naging mabagal tayo sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa mga nagdaang taon. Noong 2025, lumabas ang balitang 22 lamang sa 1,700 na target na mga silid-aralan ang naipatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kung hindi natin tutugunan ang mga hamong ito, patuloy na mapipinsala ang kakayahan ng ating mga mag-aaral na matuto. Patuloy ding lalaki ang kakulangan natin sa mga silid-aralan at maaaring umabot ito sa 219,000 sa 2028, kung hindi tayo kikilos.


Kaya naman napakahalaga ng panukalang batas na ating inaprubahan dahil pahihintulutan na natin ang iba’t ibang mga paraan upang makapagpatayo ng mga silid-aralan. Kung dati ay DPWH lamang ang nakakapagpatayo ng mga silid-aralan, pahihintulutan natin sa ilalim ng CAP Act ang mga kasunduan sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at mga local government units (LGUs), pati na rin ang mga katuwang sa pribadong sektor. Sa ganitong paraan, mapaparami natin ang ating mga katuwang na sabay-sabay magpapatayo ng mga silid-aralan hanggang sa mapunan natin ang kabuuan ng pangangailangan natin sa mga silid-aralan.


Ngunit bago pa maisabatas ang panukalang ito, pinahihintulutan na ng 2026 national budget ang pakikipagtulungan ng DepEd sa mga LGUs at mga katuwang sa pribadong sektor sa pagpapatayo ng mga karagdagang silid-aralan. Sa taong ito, naglaan tayo ng P65 bilyon para sa pagpapatayo ng 24,000 na mga bagong silid-aralan. Patuloy nating babantayan ang paggamit ng pondong ito at titiyakin nating magiging epektibo ang paggamit nito para makapakinabanan ng ating mga guro at mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page