Tuloy ang serbisyong maaasahan at may malasakit sa kapwa Pilipino
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |December 03, 2021
Mahigit dalawang dekada tayong nagsilbi kay Pangulong Rodrigo Duterte, mula noong nasa Davao City pa lamang. Sa kanya natin natutunan ang tunay na kahulugan ng serbisyo-publikong tatak-Duterte. Palagi niyang ipinapaalaala na, higit sa lahat, palaging unahin ang kapakanan ng kapwa Pilipino at hindi maaaring magkamali rito.
Kaya isa sa mga hindi natin makalimutang kaganapan sa buhay ay ang una nating pagkakataong nagbigay-serbisyo publiko sa kapwa Pilipino. Higit dalawang dekada na ang nakaraan, ngunit naaalala pa rin natin ang pakiramdam na makita ang ngiti sa mukha ng natulungan namin ni Pangulong Duterte. Hindi mapapantayan ang naramdaman natin noong kaya’t 20-taon na ang nagdaan ay nandito pa rin tayo sa serbisyo publiko, walang humpay sa pagpunta sa bawat sulok at bawat kanto sa ating bansa.
Hindi man maging posibilidad na makapagsilbi sa inyo sa pamamagitan ng pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa halalang ito sa 2022, walang pagbabago ang ating pagnanais na patuloy na makapagserbisyo sa mga Pilipino. Para sa atin, walang pinipiling posisyon, lugar o pagkakataon ang serbisyo. Dapat tuluy-tuloy ito at walang humpay. Dapat kaakibat din ng serbisyo ang sakripisyo, na handa nating gawin para makapag-abot ng tulong, lalo na sa mahihirap at walang ibang matakbuhan.
Ngayong nagsisimula na ang Kapaskuhan, ‘wag nating kalimutan na sa pandemyang ito, maraming Pilipino pa rin ang naghihirap at apektado ang pamumuhay. Kaya naman, habang nagsisilbi tayo bilang Senador, itutuloy pa rin natin ang ating mga ginagawang pagtulong sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sinimulan natin ang linggong ito sa pamamagitan ng pag-aabot ng tulong sa 1,436 indigent families at displaced workers sa Antipolo City; 1,000 naman na solo parents, vendors at indigent families sa San Fernando City at 2,300 na indigent families sa Angeles City, Pampanga.
Inabutan din natin ng tulong ang 632 biktima ng bagyong Maring ng Balaoan at 59 sa Santol, La Union; 1,658 beneficiaries na binubuo ng magsasaka, PWDs, mangingisda, habal-habal, vendors at barangay workers ng Carcar City, Cebu; 1700 na barangay tanod, health workers, at street sweepers sa San Juan City; at 50 micro-entrepreneurs ng Banton, at 50 naman sa Corcuera, Romblon.
Hindi rin malilimutan ang mga nasunugan, tulad na lamang sa siyam na pamilya ng Bgy. Holy Spirit, Quezon City; 40 na pamilya naman sa Bgy. Nangka, Marikina City at 105 sa Barangka Drive, Mandaluyong City. Tinulungan din natin ang 2,000 beneficiaries sa Bgys. Tungkalan, Tagluno, Kamansi, Daliaon Plantation sa Davao City.
Sa pag-atras natin sa halalan, hindi nababawasan ang ating pagnanais na tumulong sa kapwa. Sa halip, mas pagbubutihin pa natin ang serbisyong ipinangako noon pa man upang mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino, lalo na ‘yung pinakanangangailangan ng ating tulong.
Sama-sama pa rin tayong magbayanihan upang malampasan ang pandemya at iba pang suliranin sa ating bansa. Ipinapaalala rin nating, sa kabila ng pagbaba ng kaso ng COVID-19, dahil na rin sa mabilis na vaccine rollout at iba pang hakbang na ating nagawa, maging maingat tayo dahil may mga bagong banta, tulad ng Omicron variant.
Sa ngayon, masaya tayong ibalita na, as of December 1, meron nang kabuuang 89.07 milyong doses ng bakuna ang naiturok sa ating kababayan, kung saan mahigit 51.8 milyong Pilipino ang nakakuha ng first dose at mahigit 36.87 milyong kababayan natin ang nakakumpleto na ng kanilang bakuna. May dagdag 389,451 booster shots naman ang naiturok din. Mahigit 146.48 milyong doses naman ang kabuuang bilang ng mga bakuna na dumating na sa bansa at madaragdagan pa ito upang maabot ang herd immunity sa lalong madaling panahon.
Huwag tayong maging kumpiyansa at patuloy pa rin nating sundin ang health protocols.
Malapit na ang Pasko, at sana’y maipagdiwang natin ito sa ligtas at makabuluhang paraan.
Anuman ang mangyari sa mundo ng pulitika, ang importante ay walang Pilipinong maiiwan sa ating laban tungo sa mas maayos at maginhawang buhay. Ito ang inaasam natin at ito ang serbisyong maaasahan ng ating mga kababayan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments